Nagsalita si  Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) Commissioner Benjamin M. Mendillo, Jr. tungkol sa inilabas na pahayag ni dating Commissioner Jerry Gracio sa isyu ng red tagging sa mga librong inilathala ng KWF.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Mendillo nitong Martes, Abril 2, sinabi niyang si KWF Chairman Arthur Casanova ang dapat umanong hingan ng pahayag tungkol dito.

“Ang dapat ini-interview diyan, si Casanova. Sapagkat siya ‘yong nagpatawag ng investigation diyan. [...] So, only after that pwede tayong maglabas ng statement,” lahad ni Mendillo.

“May nakita kasi akong sumagot do’n kay Jerry Gracio’s post. Ang sinasabi do’n, si Arthur Casanova nagpunta siyang SMNI at nagpakita siya ng memorandum calling for an investigation for these subversive books,” dugtong pa niya.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Hinikayat din ni Mendillo na makipag-dayalogo sa opisina ng KWF ang mga sangkot na indibidwal sa halip na idaan sa social media ang kanilang himutok.

Matatandaang nanawagan si Gracio nitong Lunes, Abril 1, ng pagpapatalsik sa pwesto kina Mendillo at sa isa pang Commissioner na si Carmelita Abdurahman dahil sa ilang piling libro ng KWF na ipinagbawal nila noong Agosto 2022.

“I call on the KWF Board of Commissioners to pass a resolution requesting Malacañang to rescind the appointments of these two commissioners and punish them for their actions that curtail the right of the people to acquire knowledge through censorship,” pahayag ni Gracio. 

Bukod pa rito, hiniling din niya sa Board of Commissioners ng naturang ahensya na ipamahagi na ang mga ni-red tag na libro.

“Sa pamamagitan nito, mapatutunayan ng Komisyon na tumitindig sila sa panig ng mga manunulat at mga iskolar, sa panig ng malayang pagpapahayag, at hindi sila nagpapa-bully sa makikitid ang utak,” saad niya.

Dagdag pa ni Gracio: “Isang Board Resolution lang ang katapat nito. Hayaang mabasa ng sambayanan ang mga aklat na isinulat ng mga manunulat at iskolar na Filipino.”

Samantala, nauna nang pinabulaanan ni Casanova noong 2022 sa isang pahayag ang mga paratang na pinamamayagan umano niyang mapasok ang KWF ng mga kasapi ng CPP-NPA para maglathala ng mga subersibong babasahin.

“These books which are alleged to be subversive passed through the review process of the KWF. All the books underwent the usual scrutiny that all publications of the KWF must pass, including receiving the imprimatur of the other full-time commissioners,” saad ni Casanova.

Ang ilang piling libro na ipinagbawal ng KWF ay ang mga sumusunod: "Teatro Politikal Dos" ni Malou Jacob, "Kalatas: Mga Kuwentong Bayan at Kwentong Buhay" ni Rommel B. Rodriguez, "Taiwd-diwa sa pananagisag ni Bienvenido Lumbera: Ang Bayan, ang Manunulat, at ang Magasing Sagisag sa Imahinatibong Yugto ng batas Militar 1975-1979" ni Dexter B. Cayanes, "May Hadlang ang Umaga" ni Don Pagusara, at "Labas: Mga Palabas sa Labas ng Sentro" ni Reuel M. Aguila.