Pinuntahan ng may-ari ng takoyaki store na “Taragis” ang lalaking kumagat sa kanilang “April Fools’ Day post” at ipina-tattoo sa noo ang kanilang logo para sa premyong ₱100,000.
Sa video ng Facebook post ng Taragis nitong Martes, Abril 2, pumunta ang owner ng Taragis na si “Carl Quion” sa bahay ng lalaking nagpa-tattoo na si “Ramil Albano” sa North Caloocan para umano tingnan ang kaniyang kalagayan.
Nang tangunin si Albano kung bakit siya kumasa sa prank, sinabi niyang hindi niya nakitang “prank” ang naturang post kaya’t nagpa-tattoo siya agad para sa premyo na gugugulin daw sana niya sa tuition ng kaniyang anak at service ng kaniyang bunso na may “Down syndrome.”
Sa ngayon ay wala raw balak si Albano na ipabura ang naturang tattoo.
“Hindi na, una, mahirap, syempre kailangan eh. Para sa anak ko,” ani Albano.
Inabot naman ni Quion kay Albano ang reward na pera, at sinabing hindi iyon ang huling tulong na ibibigay nila rito.
Makikita rin sa video na dinala nila Quion sina Albano sa paboritong fast food chain ng anak nito.
“Sabihin mo lang kung ano ang desisyon mo. Pwede tayong humanap ng derma na magle-laser niyan para matanggal,” saad ni Quion, at sinabi rin na sasagutin na umano nila ang “kolong” para sa anak ni Albano.
Matatandaang nitong “April Fools’ Day,” Abril 1, nag-post ang Taragis ng isang “prank” kung saan nakalagay rito na tatanggap ng ₱100,000 ang unang makapagpa-tattoo ng kanilang logo sa noo.
Nagkomento naman si Albano at ipinakita ang larawan ng pagpapa-tattoo niya ng logo ng Taragis sa kaniyang noo.
Pagkatapos nito ay muli namang naglabas ng pahayag ang takoyaki store noong ding Lunes, at sinabing hindi sila accountable sa nangyari at huwag daw dapat magpaniwala sa post tuwing April Fools’ Day.
Dahil sa naturang pangyayari, marami ang nakisimpatya kay Albano at nagpaabot ng tulong.
https://balita.net.ph/2024/04/02/lalaking-kumagat-sa-april-fools-post-ng-takoyaki-store-inulan-ng-blessings/