Ibinahagi ni Ramil Albano ang kuwento kung bakit niya naatim na patulan ang hindi niya alam ay “April Fools’ Day” post at saka ipa-tattoo sa kaniyang noo ang logo ng takoyaki store na “Taragis” para sana sa ₱100,000.
Matatandaang nitong “April Fools’ Day,” Abril 1, nag-post ang Taragis ng isang “prank” kung saan nakalagay rito na tatanggap ng ₱100,000 ang unang makapagpa-tattoo ng kanilang logo sa noo.
Nagkomento naman si Albano at ipinakita ang larawan ng pagpapa-tattoo niya ng logo ng Taragis sa kaniyang noo.
Pagkatapos nito ay muli namang naglabas ng pahayag ang takoyaki store noon ding Lunes, at sinabing hindi sila accountable sa nangyari at huwag daw dapat magpaniwala sa post tuwing April Fools’ Day.
Samantala, nitong Martes, Abril 2, ay ibinahagi ng Taragis ang isang video kung saan pumunta ang owner nito na si “Carl Quion” sa bahay ni Albano at ibinigay ang reward na pera.
Sa naturang video, ibinahagi ni Albano na hindi niya nakitang “prank” lang ang naturang post.
Pinatulan daw niya ito dahil nangangailangan siya ng pera para sa tuition ng kaniyang anak at service ng kaniyang bunso na may “Down syndrome.”
“Para sana sa pang-tuition ng anak ko, saka service ng anak kong bunso na may down syndrome. May Down syndrome kasi ‘yung anak ko eh. 16 na siya ngayon,” saad ni Albano.
Sa ngayon ay wala raw balak si Albano na ipabura ang naturang tattoo.
“Hindi na, una, mahirap, syempre kailangan eh. Para sa anak ko,” saad ni Albano.
Samantala, matapos namang mag-viral ang naturang pangyayari ay marami ang nakisimpatya kay Albano at nagpaabot ng tulong.