Sa pamamagitan ng Proclamation No. 968 na pinirmahan ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III noong 2015, idineklara ang Abril bilang Pambansang Buwan ng Panitikang Filipino.

Layunin ng proklamasyong ito na maisulong at mapalaganap ang kasaysayan at pamanang kultural ng bansa gaya ng panitikan. Sa buwan ding ito ay inaalala ang kaarawan ng mga personalidad na nag-ambag ng kanilang husay sa pag-aakda.

Kabilang sa mga personalidad na ito ang makatang si Francisco “Balagtas” Baltazar na isinilang noong Pebrero 2, 1788 sa Bigaa (na ngayon ay Balagtas). Pang-apat na anak siya ng mag-asawang Juan Balagtas at Juana Cruz. 

Sa murang-edad, naging utusan umano si Balagtas ng isang mayamang taga-Tondo kapalit ng kaniyang pag-aaral sa Colegio de San Juan de Letran at sa Colegio de San José.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Paglipas ng panahon, 1835, nakilala ni Balagtas si Maria Asuncion Rivera sa Pandacan, Maynila na pinaghandugan niya ng tulang “Kay Celia” na mababasa bilang pambungad sa kaniyang natatanging akdang “Florante at Laura”. Pero sa kasamaang-palad, hindi umayon sa kanila ang tadhana. Nabigo siyang makatuluyan si Rivera.

At bilang paggunita sa kaniyang kapanganakan, nag-organisa ng programa ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) nitong Martes ng umaga, Abril 2, sa Liwasang Balagtas, Pandacan.

Pero dapat nga bang ituring na bayani ang isang gaya ni Balagtas na ang ginampanan lamang umano sa kasaysayan ay magsulat ng isang mahabang tula na nakabatay sa kaniyang naranasang kabiguan sa pag-ibig?

“Balagtas is a literary genius but he is not a hero, although he was a victim of Spanish oppression. Just because he fell in love with a woman he cannot have, he was put into prison,” paliwanag ng historyador na si Augusto de Viana.

Dagdag pa niya: “He composed a play [but] it did not cause a revolution [and] it did not form the Katipunan. It was just a source of entertainment which the Spaniards liked.”

Gayunpaman, may mga ilang iskolar ng panitikan na naniniwala pa rin sa impluwensiya ng panulat ni Balagtas tulad ni Pambansang Alagad ng Sining Virgilio Almario.

Sa panayam ng isang pahayagang pang-unibersidad kay Almario, sinabi niyang karapat-dapat umanong kilalanin bilang bayani si Balagtas dahil wala raw bayaning inilalaan ang kaniyang buong buhay at talino sa paglikha ng sining.

“[Marapat maging bayani si Balagtas] para maisip ng mga tao na puwede palang maging bayani ang isang manunulat. Lahat kasi ng mga bayani natin [ay] martir, pulitiko, heneral. Wala tayong bayani na full-time writer,” ani Almario.

Ilan daw kasi sa mga kinikilalang bayani ngayon gaya nina Jose Rizal, Emilio Jacinto, Andres Bonifacio, Apolinario Mabini at iba pa ay part-time writer lang. May iba silang pinagkakaabalahan sa buhay bukod sa pagsusulat. Doktor, rebolusyonaryo, abogado, o kaya’y politiko.

MAKI-BALITA: Kapayapaan, sentro sa pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan