Binigyang-diin ni Representative Benny Abante ang kahalagahan ng internet sa pagpapalawak ng kaalaman at pag-unawa sa panitikan sa kaniyang binigkas na talumpati nitong Martes, Abril 2.

“Mahalagang siguruhing hindi mawawala sa alaala ng ating mga kabataan ang mga klasikong akda tulad ng ‘Florante at Laura.’ Bagkus dapat nating gamitin ang pagkalat ng internet upang palawakin ang kaalaman at pag-unawa sa ating mga kababayan sa mga likha ng ating mga pambansang alagad ng panitikan,” saad ni Abante.

“Sa pagtutok natin sa ‘mainstreaming’ ng ‘Florante at Laura,’ hindi lang natin pinapalaganap ang kultura at kaalaman bagkus binibigyan natin ng pagkakataon ang mas maraming Pilipino na maunawaan at mahalin ang kanilang sariling panitikan,” dugtong pa niya.

Sapagkat ang pagpapalawak umano ng mga klasikong akdang gaya ng “Florante at Laura” ay nagbibigay-daan sa pagpapalaganap ng pagkakakilanlan ng bawat isa.

Ang naturang talumpati ay bingkas sa Pandacan, Maynila bilang paggunita sa kapanganakan ng makatang si Francisco Balagtas na may temang "Si Balagtas at ang Kaniyang Pluma sa Kapayapaan."

Matatandaang kamakailan lang ay opisyal nang binuksan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang pagdiriwang para sa Buwan ng Panitikang Filipino.

MAKI-BALITA: Kapayapaan, sentro sa pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan

Ang naturang pagdiriwang ay ipinatupad alinsunod sa Proclamation No. 968 na pinirmahan ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III noong 2015 upang gunitain ang kaarawan ng mga personalidad na nag-alay ng husay sa pag-aakda gaya ni Balagtas.

MAKI-BALITA: Kilalanin: Francisco Balagtas, bayaning full-time writer