Ilulunsad ng National Book Development Board (NBDB) ang ikalawang edisyon ng Philippine Book Festival sa World Trade Center sa darating na Abril 25 hanggang 28.

Sa kaniyang mensahe sa ginanap na “Araw ni Balagtas 2024” nitong Martes, Abril 2, binanggit ni NBDB President Dante Francis Ang II ang tungkol sa naturang proyekto.

“Sa pamamagitan ng aming matimtimang pagsisikap na pataasin ang access ng mga aklat Filipino, sa pamamagitan ng mga reading sites at book festival, magpapatuloy ang NDBD tungo sa isang pambansang pagbabasa,” saad ni Ang II.

“Kaya naman, mula ika-25 hanggang ilka-28 ng Abril sa World Trade Center, Metro Manila, ipinagmamalaki naming ilunsad ang ikalawang edisyon ng Philippine Book Festival,” aniya.

Dagdag pa ni Ang II: “Tulad ng nakaraang edisyong ito, ang PBF ay magiging isang pagdiriwang ng mga pinakamahusay na aklat na nagtatampok ng daan-daang may-akda at artista sa Pilipinas.”

Matatandaang bukod sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), katuwang din ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang NBDB sa pagdiriwang ng Buwan ng Panitikang Filipino ngayong Abril.

MAKI-BALITA: Kapayapaan, sentro sa pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan