Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes, Abril 1, na ang ridge ng high pressure area (HPA) ang kasalukuyang umiiral sa ilang bahagi ng Luzon.

Sa Public Weather Forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, sinabi ni PAGASA Weather Specialist Obet Badrina na umiiral ang ridge ng HPA sa silangang bahagi ng Northern at Central Luzon.

“Kapag meron tayong ridge o ang bahagi ng HPA, ang kaibahan nito sa low pressure area (LPA) ay mas walang masyadong nabubuong kaulapan,” ani Badrina.

Paliwanag ng weather specialist, kapag daw ang LPA ang umiral sa bansa, ibig sabihin ay papasok ang hangin, kaya’t nagdudulot ito ng mga kaulapan. Ngunit kabaliktaran naman daw sa ridge ng HPA, kung saan palabas ang hangin dito kaya’t hindi ito masyadong nagdudulot ng mga kaulapan.

Samantala, inihayag din ni Badrina na patuloy na nakaaapekto ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, sa bahagi ng Southern Luzon, Visayas at Mindanao. Kaya’t inaasahan pa rin daw ang isolated na mga pag-ulan o thunderstorms dito.

Posible raw ang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).