Viral ang Facebook post ng isang guro matapos niyang purihin at saluduhan ang isang di-kilalang magulang na nagsabing siya mismo ang nagpasuspinde sa anak dahil sa misbehavior nito.
Sa post ng gurong si Richard Mejia, ibinahagi niya ang screenshot ng komento ng isang magulang sa isang post, na nilagyan niya ng caption na "Napakagandang mindset. Salute to this kind of parent."
Mababasa rito, siya raw mismo ang nagsabi sa guro na siya na mismo ang magsususpinde sa sariling anak niya na inireklamo ng guro. Tatlong araw daw na pinaglinis niya ng bahay ang anak para makapagnilay-nilay, at simula raw noon ay wala na siyang narinig na reklamo mula sa guro.
"Kasi 'yong disiplina hindi dapat sa teacher manggagaling kung hindi sa bahay talaga, lalo na puro lalaki ang anak ko," saad pa ng magulang.
"Mahirap na ang trabaho ng mga teacher, tulungan natin sila wag ng mas pahirapan pa... ang mag-benefit din naman ang mga anak natin..."
Umani naman ito ng samu't saring reaksiyon at komento mula sa netizens.
"Yes totoo 'to bilang magulang masakit satin mapagalitan ng iba ang anak natin kaya tau mismo ang dumisiplina sa mga anak natin kc mahirap kung satin mismo di cla susunod panu pa sa mga teacher nila dba...ako isang beses na warningan anak ko dahil nadamay lang pero binigyan ko cya ng 1 week na parusa para magtanda na di nya na uulitin ung ginawa nya na yun."
"Hayaan mo mga teacher magbigay ang mag set nyan kc sila ang nakakaalam sa paaralan."
"This kind of Mindset sana, kasi nung na suspend yung bata tuwang tuwa pa kasi bakasyon daw."
"kung gnyan lhat ng mga magulang... pero mas mdami tlga ung ipagtatanggol tlga ang anak khit may malli.. na kesyo hnd gnyan dw ang anak nila.. despite the evidence and testimony ng mga kaklase.. ang ssbh pa nga e bka napag-iinitan lang daw.. hnd ko na alam san pa ilulugar ang sarili ko bilang guro.. may masabi kang hnd mgnda sa pandinig nila reklamo ang abot mo.."
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Richard, napag-alamang siya ay walong taon nang nagtuturo sa Baltazar Elementary School sa Paniqui, Tarlac, nagtuturo ng English, Science, at Edukasyon sa Pagpapahalaga sa Grade 4, 5 at 6.
Aniya, napukaw ang atensyon niya sa sinabi ng magulang kaya iniscreenshot niya ito at ibinahagi. Hindi naman niya akalaing maraming magshe-share nito, lalo't malaking usapin sa ngayon ang tungkol sa disiplina ng mga mag-aaral.
Ikaw, anong masasabi mo tungkol sa isyung ito?
---
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!