Sa pagpasok ng unang araw ng Abril, siguradong naglalabasan na naman ang mga hirit na jokes at pranks. Ito ay dahil sa April Fools’ Day na ipinagdiriwang hindi lang sa Pilipinas, kundi sa iba’t ibang mga bansa!
Ngunit bago bumanat ng jokes at pranks, paalala lang: hindi lahat ay dapat gawing biro.
Kaya naman, nagbigay ang Department of Health (DOH) ng mga bagay na hindi dapat gawing sentro ng pranks at jokes ngayong April Fools’ Day.
Ayon sa DOH, bago ka bumanat ng jokes, dapat mo muna itong isipin at isaalang-alang: “Do no harm.”
Kaugnay nito, hinikayat ng departamento ang lahat ng mga “prankster” na iwasan ang mga joke na may kaugnayan sa mga “sakit.”
Hindi rin din daw dapat ginagawang tampulan ng biro ang physical features at mental health ng isang tao.
Higit sa lahat, huwag gawing joke ang tungkol sa “death” o pagkawala ng buhay.
“Doing so adds to stigma we want less of,” paliwanag ng DOH.
Bukod sa mga nabanggit ng DOH, hindi rin nirerekomendang mag-joke ng mga bagay na may kaugnayan sa krimen at seguridad, tulad na lamang ng “bomb joke.”
Kaya naman, anang DOH, maging masaya sana ang April Fools’ Day ng bawat isa habang isinasaalang-alang pa rin ang pagiging mabuti sa kapwa.
Happy April Fools’ Day!