Nakarating sa Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) ang saloobin ng ilang mga manonood na nagsabing kinakatwiranan umano ng kanilang programa ang naging pagpaslang sa golden retriever na si “Killua.”
Noong nakaraang Linggo, Marso 24 nang ipinalabas sa KMJS ang segment nila tungkol sa nangyari kay Killua, kung saan kinapanayam nila ang fur parent nito, ang pumaslang na tanod, at ibang "nakasaksi" sa pangyayari.
Matapos ang isang linggo, nitong Marso 31, naglabas ng pahayag ang KMJS upang mariing pabulaanan ang sinasabi ng ilan sa kanilang viewers na binibigyang-katwiran umano ng kanilang ulat ang ginawang pagpatay sa golden retriever sa Camarines Sur.
"Kagaya ng iba naming mga report, kinuha namin ang salaysay ng fur parent ni Killua, ng tanod, at iba pang nakasaksi sa pangyayari, sa ngalan ng patas na pamamahayag,” anang KMJS.
Iginiit din ng programa na binanggit sa kanilang segment na “hindi nararapat patayin ang aso kahit pa nakakagat ito at paparusahan ang mga lalabag sa Animal Welfare Act.”
“Hinihikayat din ang lahat na maging responsableng dog owner," saad ng KMJS.
"Naninindigan ang KMJS na kailanman walang puwang ang animal cruelty sa ating lipunan,” dagdag pa nito.
Matatandaang naging trending kamakailan ang #JusticeForKillua matapos i-post sa Facebook ng fur parent nito ang nangyari sa kaniyang minamahal na fur baby.