Iginiit ni dating Senador Leila de Lima na ang muling pagbuhay ni Mayor Baste Duterte ng “war on drugs” sa Davao City ay nagpapakita sa pagtaas ng “middle finger” ng pamilya Duterte sa International Criminal Court (ICC) at sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Matatandaang noong Biyernes, Marso 22, nang magdeklara si Mayor Baste ng “war on drugs” sa Davao City dahil umano sa muling pagtaas ng kaso ng ilegal na droga sa siyudad.

MAKI-BALITA: Mayor Baste Duterte, nagdeklara ng ‘war on drugs’ sa Davao City

Ilang oras matapos ang naturang deklarasyon, tatlong hinihinalang tulak ng droga ang naiulat na pinatay sa buy-bust operations sa Davao City.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

MAKI-BALITA: Matapos magdeklara ni Mayor Baste ng ‘war vs drugs’: 3 pusher, patay sa Davao City

Sa isang X post nitong Lunes, Abril 1, iginiit ni De lima na ipinapakita umano ng mga Duterte na nakatataas sila sa batas.

“Baste's revival of Daddy Dear's and Sister Dear's drug war in Davao City, with its resultant summary killings, is the Dutertes raising a middle finger to the ICC, the BBM Administration and the Filipino people,” ani De Lima.

“The Dutertes are saying they are above the law, and they can screw the law, and no one can do anything about it,” dagdag pa niya.

Si Mayor Baste ay anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at kapatid ni Vice President Sara Duterte.

Una nang nagdeklara ng war on drugs si dating Pangulong Duterte sa Davao City noong siya ang alkalde sa siyudad, maging sa buong bansa sa gitna naman ng kaniyang termino bilang pangulo.

Ayon sa mga ulat, mahigit 6,000 katao umano ang pinatay sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte, kung saan inihayag naman umano ng iba’t ibang international human rights organizations na nasa 12,000 hanggang 35,000 ang aktuwal na bilang ng mga nasawi dahil dito.

Kasalukuyan daw iniimbestigahan ng ICC ang nangyaring “human rights violations” kaugnay ng “war on drugs” sa Pilipinas.