Nabagbag ang damdamin ng mga netizen kamakailan sa isang viral Facebook post tampok ang isang board taker ng "Medical Technologist Licensure Examination (MLE)" na nasunugan ng bahay habang kumukuha ng aktuwal na pagsusulit noong Marso 21, subalit saka lamang ito ipinaalam sa kaniya matapos ang petsa ng board exam.

Sa Facebook post ng kaniyang kaanak na si Maria Charmaine Lopez mula sa Barangay Bual, Tulunan, North Cotabato, saka lang daw nalaman ng pinsan ng kaniyang mister na si Christle Anne Maravilla ang kalunos-lunos na nangyari sa kanilang bahay nang matapos na nito ang exam.

Nakiusap daw ang mga magulang ni Christle na huwag ipaalam sa kaniya ang nangyari, at huwag mag-upload sa social media, upang makapagpokus sa kaniyang board exam si Christle.

Human-Interest

BALITrivia: Si Santa Claus at ang kapaskuhan

Saka lang ipinaalam kay Christle ang nangyari, na noong una, hindi pa raw nag-sink in sa kaniya at hindi niya akalaing abo na niyang daratnan ang kanilang tahanan.

Wala raw naisalbang kahit ano maliban sa mahahalagang dokumento ng pamilya. Natupok na rin ng apoy ang mga sertipiko at medalya ni Maravilla sa kaniyang pag-aaral.

"Nasunog ilahang balay the day jud sa board exam.. wala may nasave kahit isa na gamit. Unaware sya. After board exam na namo sya giinform.. pero after 4 days eto pala kapalit. Magiging RMT ka Christle Anne Maravilla🥹🥹🥹 God is good. Mabalik lang ang mga nawala in God’s time. 🙏🏻🙏🏻🙏🏻," mababasa sa FB post ni Lopez.

"Kadlawan ta lang gid ni mag abot ang adlaw hambal mo. Oo kadlaw lang gid ta pati karon kadlawan ta lang na tanan☺️

"Edit: Ang pinaka kayamanan na hindi na mabalik ang mga medals and certificates nya since kinder to college na nasali sa sunog😭 pati yearbook nya during high school🥺🥺"

Makalipas ang apat na araw, lumabas na ang resulta ng exam at nakapasa naman si Maravilla.

Nanawagan naman ng tulong si Lopez para sa pamilya ni Maravilla.

"Sa mga gustong mag extend ng help eto po GCASH # ni Christle Anne Maravilla 09512525076 thank you po ☺️☺️," aniya.

MAKI-BALITA: MedTech board taker, di alam na nasusunog na ang bahay habang nag-eexam

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Maravilla, sinabi niyang nasa maayos na kalagayan na sila at nakikitira sa kaniyang tita. Isinalaysay ni Maravilla ang mga nangyari nang araw na natutupok na pala ang kanilang bahay subalit wala siyang kaalam-alam dahil ang buong pokus niya ay nasa board exam at maipasa ito.

"Last week, around 1-2PM of March 21, nangyari ang sunog. Our exams were scheduled on March 21-22. Hindi ko po agad nalaman ang nangyari after the first day kasi inuna pong ni-request ng parents ko ang mga taong nagvi-video na kung puwede walang mag-uupload dahil may board exam pa 'ko," aniya.

"After the second day, my cousin and his wife (ang nag upload po) invited me to dinner. Binusog pa muna nila ako bago sinabi ang nangyari haha. At first, since I still haven't seen the aftermath of fire I assumed it wasn't that big of a deal. Pero no'ng tumawag na po tita ko, and kinuwento niya na ang nangyari doon na po ako naiyak, especially sa part na walang naisalba si mama except sa isang envelope ng documents namin pero triny niya ang mga medals ko sana."

Kuwento pa ni Christle, bago maganap ang sunog ay nagka-brown out daw muna. Nang magka-kuryente na, isang malakas na pagsabog ang narinig. Hinihinalang dahil sa electrical wiring issues ang puno't dulo ng sunog.

Apat na araw matapos ang insidente, lumabas naman ang resulta mula sa Professional Regulatory Commission (PRC) na nakapasa siya sa MedTech Licensure Exam, isang good news sa kabila ng bad news na natanggap niya.

Sa ngayon ay kumakatok ng tulong si Maravilla sa publiko para makatulong na makabangon silang muli mula sa trahedya. Balak daw niyang makapag-aplay na kaagad ng trabaho upang maging paspasan na ang pagpapagawa ulit ng kanilang bahay at pagpundar ng mga gamit.

"We need all the prayers we can get and any cash or form of assistance is well appreciated po. Also, in critical situations like this, if we know we can't contain the fire anymore then it's better to run to safety and just call for help asap."

"My next plan po is to prepare my resume while waiting for our oath-taking so I could apply to hospitals and laboratories right after," aniya.

Natanong din ng Balita kung ano ang susunod na plano ng kanilang pamilya ngayong nauwi sa abo ang kanilang bahay. Doon pa rin ba sila magtatayo ng panibagong tutuluyan?

"Wala pa pong kumpletong budget pero if ever, sa tabi or malapit lang rin po ng dating bahay but not the exact same spot. Naniniwala po kasi parents ko sa sabi-sabi ng mga matatanda ni hindi puwede if sa saktong spot ng nasunog."

Kuwento naman ni Maria Charmaine sa Balita, ang uploader ng viral post at asawa ng pinsan ni Christle, nasa basic education pa lamang si Christle ay talagang matalino at masigasig na ito sa kaniyang pag-aaral. Naging scholar daw ito dahil sa matataas na grado at naging honor student din. Kaya nga lamang, hindi naisalba ng kaniyang ina ang mga sertipiko at medalya nito mula sa sunog.

"Walang-wala talaga sila bago pa nasunugan plus dumagdag pa ang sunog," aniya.

Ipinakita niya kung saan tumutuloy ngayon ang pamilya ni Christle. Aniya, nakatira ang mag-anak sa packing house ng kaniyang mother-in-law, na butihing tiyahin naman ni Christle.

"Umaalis lang sila pag gagamitin. Buti may naghatid ng kahoy na bed. May nag-donate din beddings, bawal pa daw galawin bahay nila na nasunog. Under investigation pa rin ang fire. Walang na-save kahit isang gamit. Ang iniyakan ng mama niya talaga, mga medals and yearbook nila ng kapatid niya. Kasi di na mababalik, na-guilty mama niya sa part na 'yon na di niya na-save."

Photo courtesy: Maria Charmaine Lopez

Muntik pa nga raw ma-trap sa loob ng nasusunog na bahay ang ina makapagsalba lamang ng mga gamit nila.

Samantala, ang dating senatorial aspirant at kilalang review center owner na si Carl Balita ay nakikipag-ugnayan na sa pamilya ni Christle upang magpaabot ng assistance sa kaniya.

Narito naman ang mga detalye ni Maravilla sa mga nais na magpaabot ng kahit na anong porma ng tulong:

Contact number/GCash number: 0951-252-5076

BDO bank account number: 0033-2038-9631

E-mail: [email protected]

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!