Ang Pasko ng Pagkabuhay, o Easter Sunday sa Ingles, ay isang napakahalagang araw sa Kristiyanismo dahil ito ang pagdiriwang ng muling pagkabuhay ni Hesukristo matapos ang kaniyang kamatayan sa krus. Pagpapatunay ito ng kaniyang kapangyarihan bilang Diyos Anak.

Ngunit sa mga karaniwang tao, posible nga bang bumangon mula sa hukay matapos ang kamatayan?

Anong gagawin mo kung ikaw ay nagpunta o bumisita sa isang burol o lamayan ng isang patay, at habang ikaw ay tahimik na nakaupo’t nagninilay-nilay sa naging buhay ng namatay, biglang may kakatok sa loob ng kabaong at magpapasaklolo ang pinaglalamayang bangkay, na alisin siya mula sa pagkakahimlay?

Isang kahindik-hindik na pangyayari ang naganap sa bansang Ecuador kung saan bigla na lamang bumangon mula sa kabaong ang isang matandang babaeng pinaglalamayan na. Tila isang zombie sa mga napapanood na pelikula.

Human-Interest

Color code sa shopping basket 'pag namimili sa dept. store, bet ng Pinoy netizens

Isang matandang babaeng Ecuadoran ang napaulat na bumangon umano mula sa kaniyang kinahihimlayang kabaong habang pinaglalamayan na ang kaniyang bangkay, matapos siyang ideklarang patay sa isang state hospital na pinagdalhan sa kaniya ng mga kaanak.

Nagpagimbal sa social media ang ulat tungkol kay Bella Montoya, 76-anyos mula sa bansang Ecuador, na isinilid na sa kabaong at nasa lamay na, nang ilang sandali ay makarinig ang mga bumisita at kaanak ng mahihinang kaluskos sa loob mismo ng ataul.

Ayon pa sa mga ulat, isinalaysay ng anak ni Montoya na si Gilbert Balberán kung paano nila natuklasan ang “muling pagkabuhay” ng kanilang ina, na deklaradong patay na mula pa lamang sa ospital na pinagdalhan nila rito.

Kuwento niya, limang oras na ang nakalilipas simula nang mag-umpisa ang burol o wake, nang walang ano-ano’y nakarinig sila ng ingay at kalabog mula sa loob ng kabaong ni Bella.

Batay sa paglalarawan ni Gilbert, ang naririnig nilang ingay ay likha ng pamilyar na tinig sa kanila, na para bang kapos sa paghinga at nagmamakaawang alisin siya sa loob ng makitid na himlayan ng mga bangkay sa pamamagitan ng pagpukpok sa takip nito.

Pigil-hininga nilang inalis ang takip ng kabaong upang silipin ang “bangkay” sa loob.

At natigalgal sila. Hindi sila makapaniwala sa kanilang nakita.

Hindi zombie na may malalaking mata o may matatalim at nakabukang bibig ang tumambad sa kanila. Hindi sila sinugod nito upang sila ay lapain.

Nakita nilang humihinga pa ang kanilang inang si Bella, at nagpupumilit itong makaalis sa kabaong dahil sa suffocation. Hinahabol nito ang paghinga.

Kaagad namang ibinalik sa ospital ang kanilang ina at inilagak sa intensive care unit.

Sa kuwento ni Gilbert, dinala raw nila sa ospital ang kanilang ina matapos itong makaranas ng mga sintomas ng stroke. Lumala ito hanggang sa makaranas ito ng cardiac arrest o atake sa puso. Tumigil ang paghinga nito.

Tinangka pa raw i-revive si Bella subalit hindi na nag-respond ang katawan nito at vital signs sa isinagawang resuscitation maneuvers kaya idineklarang patay na ng doktor.

Sa kasamaang-palad, tuluyang binawian ng buhay si Bella matapos ang ilang linggong pamamalagi sa ICU, simula nang dalhin siya sa ospital matapos bumangon sa kabaong. Tuluyan na siyang pinaglamayan.

Ang naturang insidente ay nagpatindig-balahibo sa lahat, hindi lamang sa bansang Ecuador, kundi maging sa iba pang lupalop ng mundo. Mabuti na lamang daw at hindi pa inembalsamo ang inakalang bangkay. Kaya ang tanong ngayon, hindi ba ineembalsamo ang mga bangkay sa Ecuador?

Ayon sa artikulong “Ecuadorian Indigenous Ceremonies on Funerals and Day of the Dead” ng University of Notre Dame na nalathala noong Pebrero 24, 2021, naniniwala ang mga Ecuadorian na hindi natatapos ang buhay ng isang tao sa kaniyang kamatayan. Hindi nila ginagamit ang salitang “dead” bilang paglalarawan sa isang sumakabilang-buhay na tao kundi "Ñawparirka," na nangangahulugang "the one who has gone ahead.”

Kaya sa funeral o lamayan, sinasamahan ng mga miyembro ng pamayanan ang pamilya naulila, kagaya rin sa Pilipinas. Tumatagal lamang ng tatlong araw ang burol. Lumilipas ito sa pamamagitan ng pagkain at paglalaro. Sa loob ng ataul ay naglalagay rin ng mga kasangkapang ginagamit ng namatay, pati pagkain, dahil naniniwala silang dadalhin ito ng namayapa sa kabilang buhay. Kaya posibleng hindi rin naeembalsamo ang kanilang mga patay dahil sa paniniwalang ito.

MAKI-BALITA: ‘Bumangon sa ataul!’ Ecuadoran woman pinaglamayan sa pag-aakalang patay na

Ngunit alam mo bang hindi lamang sa ibang bansa nangyari ang insidente o senaryo ng pagbangong muli ng isang deklaradong patay? Sa Pilipinas, noong Abril 28, 2021, isang babaeng taga-Barotac, Nuevo, Iloilo ang pinagpiyestahan ng kaniyang mga kapitbahay, dahil ilang oras na raw siyang patay, subalit biglang nabuhay, tampok sa "Kapuso Mo Jessica Soho (KMJS)."

Ayon sa kuwento ng mga nakasaksi, matigas na ang katawan, itim na ang labi, at kulay-violet na raw ang mga kuko niya nang masilayan nila si “Violeta.”

Kuwento ng mister ni Violeta na si “Zaldy,” nagkaroon pa raw ng premonisyon o pahiwatig ang misis ilang oras bago ito namatay nang gabing iyon ng Abril 28. Nanonood daw siya ng telebisyon nang biglang sumandal sa kaniyang balikat ang asawa, at tila nagbilin ito sa kaniya, na siya na ang bahala sa kanilang mga anak.

Bandang alas nuwebe ng gabi nang makaranas daw ng paninikip ng dibdib si Violeta dahil sa kaniyang hika. Naalimpungatan si Zaldy nang makita niya ang misis na gumagamit ng nebulizer. Nagsabi raw si Violeta ng mga katagang “Lord Jesus!” hanggang sa mawalan na ito ng ulirat, pati paghinga.

Nang saklolohan niya ang asawa, nanigas na raw ang katawan nito pati na ang bibig at panga. Tuluyan na raw itong nanlamig, nanigas ang katawan, nangitim ang mga labi at kuko, at nalagutan ng hininga. Wala nang nagawa si Zaldy kundi humingi ng tulong sa kanilang mga kapitbahay habang pumapalahaw naman ng iyak ang kanilang mga anak. Kasama umano sa mga tumulong ay ang hipag ni Violeta na si “Lorena,” na isang midwife o komadrona.

Ayon sa salaysay ni Lorena, wala na talagang pulso pa si Violeta nang datnan nila. Dahil sa kasagsagan pa ng pandemyam nagdalawang-isip daw silang itakbo sa ospital si Violeta dahil baka ideklara itong dead on arrival o ipa-cremate kaagad, dahil nga sa sinusunod na COVID-19 protocol. Sinikap pa raw nilang i-revive si Violeta sa pamamagitan ng paghampas sa katawan nito, na tumagal ng isang oras. Ngunit hindi pa rin bumalik ang paghinga ng ginang.

Sa puntong ito, sinabi raw ni Zaldy sa kaniyang mga anak na ipagdasal na ang kaluluwa ng kanilang ina dahil wala na ito. Sinubukan pa raw hipan ng mister ang bibig ng kaniyang kabiyak, baka-sakaling mabuhay pa ito. Sabay-sabay na raw silang nagdasal.

Walang ano-ano raw ay may hanging malamig na naramdaman ang lahat nang naroong nakapalibot sa bangkay ni Violeta!

Dito ay naganap na ang isang pangyayaring halos ikagulat nilang lahat.

Dumilat ang mga mata ng bangkay!

Bigla raw nanumbalik ang init ng kaniyang katawan at bumalik sa dati ang kulay ng mga labi at kuko. Suminghap-singhap daw ito sa hangin upang mapanumbalik ang hinahabol na hininga, kagaya ng isang taong lumangoy at sumisid mula sa isang anyong-tubig tulad ng ilog o dagat.

Naniniwala ang lahat na grasya mula sa Diyos ang pagkabuhay na muli ni Violeta, na halos dalawang oras nang hindi humihinga at dineklara na nga nilang patay.

Kaya ngayon, si Violeta ay buhay na buhay at tila nagkaroon ng panibagong buhay dahil sa mga nangyari.

Salaysay mismo ni Violeta, kung patay na ang tingin at akala sa kaniya ng mga kapamilya at kapitbahay nang mga sandaling wala na siyang hininga, kabaligtaran naman ang pakiramdam ng ginang.

Pakiramdam daw niya ay nanggaling siya sa isang napakasarap na pagkakatulog nang mga sandaling iyon.

Ngunit milagro nga ba ang nangyaring ito kay Violeta?

Ayon sa paliwanag ng isang neurologist mula sa Philippine General Hospital o PGH, maaaring nang hinihika na si Violeta at nahirapang huminga ay nagsara ang daluyan ng hangin sa kaniyang baga papuntang ilong. Dahil dito, maaaring nawalan daw ng oxygen ang kaniyang utak kaya nawalan siya ng ulirat at nangitim ang kaniyang mga labi at kuko.

Dahil siguro daw ay maganda ang sirkulasyon ng dugo at tumitibok pa ang puso ni Violeta, lumuwag ang daanan ng hangin kaya nanumbalik ang paghinga nito gayundin ang dating kulay ng mga labi at kuko. Ito raw ang dahilan kung bakit gumising pa si Violeta.

Sa madaling sabi, hindi raw talaga namatay si Violeta kundi naubusan lamang ng oxygen sa kaniyang utak, dahil sa kinapos ng hininga dahil sa hika.

Ngunit kahit may paliwanag na sa siyensya, naniniwala pa rin ang pamilya ni Violeta na isang himala o milagro ito mula sa Diyos. Kaya naman, inilaan niya ang kaniyang buhay ngayon sa pagiging worship leader sa kanilang simbahan. Pakiramdam daw ni Violeta ay may misyon pa siya sa buhay kaya hinayaan pa siyang mabuhay sa daigdig.

Naiiba naman ang kuwento ng isang batang nagngangalang “Jenny Rose” mula sa Ilagan, Isabela na namatay na at nailibing subalit muling inilabas sa kabaong na naisilid na sa puntod, sa pagbabaka-sakaling muli itong mabubuhay. Nangyari ito noong 2017.

Apat na araw na raw patay at nailibing na ang bangkay ni Jenny Rose, apat na taong gulang noong mga panahong iyon, nang muli raw puntahan ng kaniyang mga kaanak ang puntod nito, wasakin, at inilabas ang ataul, sa paniniwalang muli pa siyang mabubuhay.

Hindi raw kagaya ng ibang bangkay na matigas at naaagnas na, ang bangkay raw ni Jenny Rose ay malambot pa.

Kuwento ng mga magulang ni Jenny Rose, nilagnat daw ang bata noong Agosto matapos mauntog habang sila ay nakipaglibing. Umabot daw sa 42 degrees C ang lagnat nito. Hanggang sa dalhin na raw nila sa ospital si Jenny Rose. Kalaunan, binawian ito ng buhay. Paglilinaw ng mga eksperto, walang kinalaman ang pagkakauntog ni Jenny Rose sa ikinamatay nito. Nagkaroon ng “bacterial meningitis” ang bata na umakyat na rin sa utak. nito.

Setyembre 1, inihatid daw si Jenny sa kaniyang huling hantungan. Ilang oras pa lamang ang nakalilipas simula nang libing, sinabi ng pinsan ni Jenny Rose na buhay pa raw ito, ayon daw sa sinabi ng isang albularyong nagngangalang “Loreto.”

Sumang-ayon naman dito ang mga magulang ni Jenny Rose kaya dali-dali silang nagbalik sa sementeryo at winasak ang kagagawa pa lamang na puntod ng anak, upang mailabas ito sa loob ng kabaong.

Nang maibalik daw nila sa bahay ang katawan ng bata, napansin nilang umihi at dumumi pa ito, at kung saan daw ibaling ang katawan nito ay sumusunod din.

Paliwanag ng albularyo, may hindi nakikitang “tagapagbantay” si Jenny Rose. Pinabantayan ang bangkay ng bata 24 oras dahil posible raw itong dumilat at bumangon pa.

Subalit lumipas daw ang 24 oras at walang Jenny Rose na muling nabuhay. Dito ay nagpasya na raw silang muling ilibing ang bata. Nagalit pa raw sila sa albularyo dahil sa mga sinabi nito. Wala silang nagawa kundi tanggaping hindi na babalik pa ang kanilang anak.

Ayon sa paliwanag ng isang medico legal officer, ang pagkatigas o pagkalambot ng isang bangkay ay nakadepende sa klima. Posible raw na ang isang bangkay ay malambot pa rin, kagaya sa kaso ng bangkay ni Jenny Rose.

Nito lamang Abril 2023, isang sanggol naman na idineklarang patay na raw nang isilang sa isang ospital sa Bulacan ang navideohang humihinga at gumagalaw pa nang i-uwi na ang bangkay nito ng mga magulang.

Mababasa sa Facebook post ni Jennifer Martinez, premature ang kaniyang panganganak kaya agad siyang isinugod sa isang ospital sa Sta. Maria, Bulacan.

Idineklarang patay na raw ng mga doktor ang kaniyang isinilang na sanggol at pinalagay na sa isang karton. Kahit nanghihina pa sa kaniyang panganganak at pagdadalamhati sa pagkamatay ng anak na siyam na buwang dinala sa sinapupunan, wala silang nagawa kundi umuwi at asikasuhin ang burol nito.

Bago sila tuluyang umuwi sa bahay at nasa ospital pa, napansin daw ng mister ni Jennifer ang tila paghinga at paggalaw ng sanggol. Hindi raw naniwala ang mga taga-ospital at sinabihan daw silang baka guni-guni o namamalikmata lamang. Inirekomenda ng nurse na umuwi na sila at ipalibing na raw ang sanggol.

Nang iuwi nila muna sa kanilang bahay ang bangkay, doon na nila talagang nakitang humihinga at gumagalaw pa ang sanggol kaya agad nila itong vinideohan. Ibinalik nila ang sanggol sa ospital at ipinalagay sa incubator.

Subalit pinalipat umano sila ng doktor sa isang ospital sa Cabanatuan City, Nueva Ecija sa kakulangan ng malaking incubator na kailangan ng sanggol.

Pagdating nila sa ospital ay nag-iba na ang kulay ng sanggol at tuluyang pumanaw.

Reklamo ng mag-asawa, kung tama raw sana ang medical attention sa kanilang anak, hindi sana ito papanaw at baka kapiling pa nila hanggang ngayon.

Paliwanag naman ng pamunuan ng ospital, "extremely premature" ang sanggol nang isilang noong Abril 2 ng madaling-araw. Ayon din sa records ng medical staff maging ng OB-GYN na nagpa-anak sa misis, wala na raw tibok ng puso ang sanggol bago pa ito mailuwal ng ina.

Makalipas ang isang oras, hindi pa rin daw ito humihinga, walang paggalaw, walang tibok ng puso, at bluish na ang kulay ng sanggol.

Giit pa ng ospital, nang isugod naman sa kanila ang sanggol, ginawa raw nila ang lahat ng makakaya nila upang maasikaso ito kahit na kulang sila sa equipment dahil nga level I hospital lamang sila.

Konklusyon

Sa larangan ng pananampalataya, ang muling pagkabuhay ng mga patay ay itinuturing na isang mahalagang doktrina sa ilang mga relihiyon, tulad ng Kristiyanismo. Sa Kristiyanismo, naniniwala ang mga Kristiyano na si Hesus ay muling nabuhay matapos ang kanyang kamatayan, at ito ay isang pangunahing paniniwala ng kanilang pananampalataya.

Subalit, sa konteksto ng agham at siyensiya, walang ebidensya o scientific proof na nagpapatunay na posible ang literal na muling pagkabuhay ng mga patay. Sa kasalukuyan, ang mga pag-aaral sa agham at medisina ay hindi nagtatagumpay sa pagpapatunay ng ganitong uri ng pangyayari.

Ang muling pagkabuhay ng mga patay ay kadalasang itinuturing bilang isang espirituwal na kahulugan sa halip na isang pisikal na pangyayari. Sa karamihan ng mga relihiyon, kasama na ang Kristiyanismo, ang konsepto ng muling pagkabuhay ay may kahulugang espirituwal, na kung saan ang kaluluwa o espiritu ng isang tao ay nananatili sa isang anyo ng buhay sa kabilang buhay o sa kaharian ng Diyos.

Samakatuwid, habang ang mga Kristiyano ay naniniwala sa muling pagkabuhay ng mga patay ayon sa kanilang pananampalataya, sa kasalukuyan, wala pang ebidensya sa larangan ng siyensiya na nagpapatunay na ito ay posible sa literal na anyo. Ito ay nananatiling isang tanong ng pananampalataya at espirituwalidad.