Nilinaw ni Kapuso Comedy Concert Queen Ai Ai Delas Alas ang matagal nang isyu ng pag-alis niya sa ABS-CBN noong 2017 at paglipat sa GMA Network matapos siyang batikusin nang bumisita kamakailan sa noontime show na "It's Showtime."

Ayon kay Ai Ai, naloka siya nang mapag-alamang marami ang umalma nang mag-guest siya sa Showtime dahil wala raw siyang loyalty at utang na loob sa network.

Pero paglilinaw ng comedy queen, hindi siya umalis sa ABS-CBN kundi hindi na siya ni-renew.

Tsika at Intriga

Kathryn dinagsa ng fans sa airport: naikumpara sa BINI?

Mabuti na lang daw at may offer sa kaniya ang GMA Network nang mga panahong iyon kaya agad siyang nakalipat. Sumabak kaagad siya sa noo'y Sunday variety show na "Sunday Pinasaya" kasama sina Alden Richards, Marian Rivera, at iba pa.

"Kaya po wala na ako sa ABS dati, kasi po, hindi ako ni-renew," aniya. "Last na po 'yon ng kontrata ko. Hindi na po nila ako binigyan ng renewal. So, hindi po talaga ako umalis."

Hindi naman binanggit ni Ai Ai kung bakit hindi na siya ni-renew ng Kapamilya Network.

Dahil nga raw sa kawalan ng trabaho ay naibenta niya ang bahay sa Ayala upang may maipantustos sa mga pangangailangan.

Biro na lang ni Ai Ai sa bashers niya na mag-sorry sila sa kaniya matapos niyang magpaliwanag.