Ayon sa mga eksperto at paham ng agham, sa darating na 2030 nakatakda ang climate change deadline. Ibig sabihin, anim na taon simula ngayon ay mararamdaman na ng mundo ang tinatawag na “irreversible effect” ng pabago-bagong klima kung hindi mapipigilan ang global warming.

Ilan umano sa posibleng epekto nito ay ang pagkasunog ng malawak na bahagi ng kagubatan sa Brazil at Australia, pagkatunaw ng mga malalaking tipak ng yelo sa Antartica, sunod-sunod na lindol at bagyo, at pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng bansa gaya ng China at Pilipinas.

Ang dahilan ng pagtaas ng temperatura ng daigdig ay maiuugat sa mga sinusunog na langis, coal, o natural gas (fossil fuels) na lumilikha ng greenhouse gas emissions. Dahil dito, hindi malayang nakalalabas sa mundo ang init na nagmumula sa araw.

Kaya naman, hindi nakapagtataka na may mga grupo at indibidwal mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan na nagsisimula nang gumawa ng kani-kanilang hakbang upang makapag-ambag ng solusyon sa problemang ito batay sa kanilang sariling paraan at kakayahan.

Human-Interest

Guro, kumasa sa ipon challenge para mabigyan ng Christmas party kaniyang advisory class

Bagama’t hindi pa naman kabilang ang Pilipinas sa top 20 global climate polluter—na pinangungunahan ng China, US, at India—batay sa tala ng independent research group na Climate Action Tracker noong 2022, may mga kagaya pa rin ni Father Warren R. Puno na nagsusulong ng kaniyang adbokasiya sa kalikasan upang hindi na madagdagan pa ang bilang ng greenhouse gas emissions na pino-produce sa ating bansa.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Father Warren, ibinahagi niya kung kailan nagsimula ang kaniyang adokasiya para sa kapakanan ng kalikasan sa loob ng 18 taon niyang paglilingkod bilang pari.

Ayon sa kaniya: “Nagsimula po ang aking adbokasiya sa pangangalaga sa kalikasan—’yong may environmental advocacy—-ay in 2015. Noong ma-assign ako dito sa Our Lady of the Angels Parish.”

“But I believe before that, inihanda na ako ng Diyos para dito. Kasi noong tumama po ang typhoon Haiyan—I don’t think 2013 o 2012—-I was there. Nandon ako after three days na tumama ang typhoon Haiyan sapagkat ako’y nakasama sa isang relief operation,” wika niya.

Dagdag pa ni Father Warren: “Doon ko nakita at tumambad sa akin ang really total devastation na dulot ng pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan ng mundo na tumama sa lupa. At ‘yon ay sa Pilipinas. Typhoon Yolanda, international name typhoon Haiyan.”   

Dahil sa nangyari, nagsimula siyang magbasa at manaliksik tungkol sa climate change hanggang sa magkaroon ng sapat na kaalaman sa problemang ito. Kaya nang dumating siya sa Atimonan, Quezon, isa siya sa nanguna para tutulan ang itatayong coal-fired power plant sa naturang bayan dahil sa panganib na dala nito sa tao at kalikasan.

 “2015, dumating kami [ng Atimonan]. I think, February dumating kami. At doon nagsimula talaga ‘yong formal na adbokasiya ko sa kalikasan. Nakaugat ‘yon sa nakita ko kung paano na-exploit, nagagamit, pinagsasamantalahan ang mga dukha. Nakita ko doon noong ako’y nagbabahay-bahay…doon sa area ng pagtatayuan ng power plant,” kuwento niya.

“Actually, marami sa kanila ang ayaw. Pero wala naman silang magagawa dahil ito ang gusto ng mga may kapangyarihan. Ang mga may gusto nito ay ang may-ari ng lupa. Kaya doon nag-ugat ‘yong aking lalong masidhing pagnanais,” aniya.

At sa gitna raw ng labang ito para sa kalikasan, nakita ni Father Warren kung gaano ka-bulnerable ang mga mahihirap sa mga sakunang dulot ng nagbabagong klima gaya ng bagyo.

“Bumalik sa akin ‘yong what is the vision of the church in the Philippines. Since 1991, ito ‘yong battle cry ng simbahan sa Pilipinas: ‘to be the church of the poor and for the poor.’ You cannot be the church of the and for the poor, ‘pag wala kang concern sa environment,” sabi niya.

Pagpapatuloy pa niya: “Ang pari ay hindi lamang nananatili sa pulpito. Hindi lamang dapat siya nangangaral kundi dapat ay tinitingnan din niya ang kapakanan ng mga taong kaniyang pinaglilingkuran. Sabi ko lagi, ang pagiging Kristiyano ay hindi lamang kapag ikaw ay nasa simbahan kundi kailangan lumabas ka rin.”

Pero aminado si Father Warren na mahirap isabay sa pangangaral ng salita ng Diyos ang pagsusulong ng adbokasiya para  sa ikabubuti ng kalikasan lalo na ngayon na siya ang tumatayong direktor ng Minister of Ecology ng Diocese of Lucena at Regional Coordinator ng Eco-Convergence Hub ng Caritas Philippines.

“Ang aking kino-coordinate na mga dioceses at mga simbahan ay itong Region IV-A and B at saka ang Bicol region. Minsan, mahirap ‘yong makipag-usap especially kapag pupunta ka sa mga bishop, kakausapin mo,” saad ni Father Warren.

“Then mahirap ‘yong mag-follow up, tanungin, i-monitor kung ano ang iba’t ibang enviromental programs sa bawat dioceses, sa bawat probinsiya. So, ‘yon ‘yong trabaho ko kaya medyo mahirap. Pero ang kailangan talaga ‘yong puso dito. Kasi wala akong sweldo. Actually wala akong sweldo. Talagang ako ‘yong gumagastos ng gasolina,” dugtong pa niya.

Bukod pa rito, may pinangangasiwaan din daw siyang sakahan sa bayan ng Tayabas dahil bahagi umano ng ecological program ang sustainable agriculture.

Sa huli, nagpaabot ng mensahe si Father Warren sa mga Pilipino sa gitna ng kinakaharap nating krisis sa klima:

“Sana maisip natin na kailangan tayong may gawin sapagkat kung hindi tayo, sino? Kung hindi ngayon, kailan? ‘Yon ang palagi nating tatandaan. Sa pamamagitan ng maliliit na bagay na magagawa natin katulad ng pagse-segregate, pagtitipid sa pagkain, hindi labis na pag-aaksaya, ‘yong pagbawas no’ng ating mga carbon footprints, ay malaki ang maitutulong nito sa kalikasan.

“Saka ‘wag na tayong tumingin sa iba. ‘Ba’t sila gano’n? Ba’t sila ganito?’ So, ang tingnan na lang natin ay kung ano ang magagawa natin para sa Inang Kalikasan. At kapag siguro nabago na natin ang ating sarili, siguro it can make an impact sa community.

“Sabi nga, we’re on an emergency. Hindi na siya basta climate crisis. We’re on a climate emergency. So, ang pinag-uusapan ngayon ay usapin ng buhay at kamatayan, ng ating survival, ang survival ng mundo.” 

Samakatuwid, patunay lang ito na hindi kailangang pumili sa pagitan ng simbahan o kalikasan. Hindi magkahiwalay na bagay ang dalawa. Dahil kung Bibliya ang mismong pagbabatayan, nilalang ng Diyos ang tao bilang tagapangalaga ng mga kapuwa niya nilikha. At masasabing si Father Warren ay tumatalima lang sa naturang tungkulin.