Kilala ang Barangay San Pedro Cutud sa San Fernando, Pampanga bilang isang bersyon ng Golgotha sa Pilipinas dahil sa lugar na ito masasaksihan ang pagpapapako ng mga namamanata tuwing sasapit ang Mahal na Araw.
Isa na rito ang karpintero at sign painter na si Ruben Enaje, 63 taong gulang, na residente mismo sa naturang barangay.
Sa eksklusibong panayam ng GMA Integrated News noong 2013, sinabi ni Ruben na 1986 pa raw nang simulan niya ang panata ng pagpapapako sa krus.
Ginawa raw niya ito bilang pasasalamat sa Diyos dahil sa pangalawang buhay na ibinigay sa kaniya noong minsang mahulog siya sa ikalawang palapag ng isang gusali.
“Inumpisahan ko 1986. Noong mga panahon ‘yon, ‘yong sakit ‘di ko pa alam, e,” aniya.
Pero noong 2023, nag-anunsiyo si Ruben ng pagreretiro sa kaniyang mahabang tradisyon ng pamamanata.
Hindi lang kasi basta pagpapapako sa krus ang penitensiya. Bahagi rin nito ang pagpapasan sa mahigit 30 kilong krus hanggang sa makarating sa lugar na pagpapakuan.
At dahil nga tumatanda na, mahirap na para sa gaya niya ang magbuhat nang gano’n kabigat na bagay.
Kaya tila nakakagulat na matapos niyang ideklara ang pagtigil sa kaniyang panata, muli siyang babalik sa pagpapako sa burol ng San Pedro Cutud ngayong 2024. Kung susumahin, 35 beses na siyang ipinapako mula nang umpisahan niya ito.
Pumalya lang siyang gawin ito nang kumalat ang mapaminsalang Covid-19 noong 2020 dahil sa pagpapataw ng community quarantine sa buong bansa.
Sa eksklusibong panayam ng ABS-CBN News noong Marso 16, inamin ni Ruben na ang mismong kapitan daw nila ang humirit sa kaniya na magpapako ulit dahil na rin sa pakiusap ng isang konsehal.
“May nag-request sa kaniya [kapitan] na ako ulit ang magpapako. Si Councilor Brenz Gonzales, dahil siya ang committee ng ‘Maleldo’ ngayon,” aniya.
Gayunpaman, medyo nag-alinlangan daw talaga siya na gawin pa ito dahil halos alam naman ng lahat na matagal na talagang tapos ang kaniyang panata.
“Pero siguro dala ng wala pang talaga maipapalit, kahit gaano kahirap pipilitin ko.”
Kaya naman, hindi na raw ito maituturing pa bilang bahagi ng kaniyang panata kundi isang anyo na lamang ng pakikiisa sa tradisyon ng komunidad.
Bago pa man mag-retiro si Ruben, matagal nang tinututulan ng Simbahang Katolika ang pagpapapako sa krus dahil sa dala nitong panganib. Sapat na raw ang pag-aayuno, pagsisisi at pagninilay sa Semana Santa.
Ano’t anoman—sa kabila ng mga nagsasalungatang paniniwala sa tradisyong ito—hindi maikakaila ang malaking ambag ni Ruben upang higit na tumatak sa isip at tumagos sa puso ng mga Katolikong Pilipino ang pagmamahal at sakripisyo ni Hesus para sa sanlibutan.