Kinumpirma ng militar na nag-aral sa University of the Philippines (UP) ang isa napatay na umano'y mataas na lider ng New People's Army (NPA) sa naganap na sagupaan sa Batangas nitong Martes.

Ipinaliwanag ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army (PA), si Junalice Arante-Isita, alyas "Arya" ay nag-aral sa Lipa City National Science High School at kumuha ng Bachelor of Arts in Behavioral Science sa UP-Manila.

Si Isita, secretary ng Southern Tagalog Regional Party Committee (STRPC), ay taga-Barangay Banaba, Padre Garcia, Batangas, ayon sa militar.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Naiulat na isa rin si Isita sa Political Instructor ng LG Kidzania ng STRPC-Main Regional Guerilla Unit at pinuno ng TIG ng KLG Silangan.

Binanggit na mayroon ding warrant of arrest si Isita sa Regional Trial Court Branch 7 sa Batangas City dahil sa paglabag sa Republic Act 11479 (Anti-Terrorism Act of 2020).   

Sa report ng PA, si Isita ay party wife ni Isagani Isita, alyas "Yano" na isa ring lider ng STRPC-Sinag 2, na napatay matapos umanong lumaban nang tangkaing arestuhin sa patung-patong na kaso sa Sariaya, Quezon noong Hulyo 30, 2023.

Bukod kay Isita, napatay din sa 30 minutong sagupaan sa Rosario, Batangas ang dalawa niyang kasamahan na sina Bernardo Bagaas, alyas "John Paul" na Logistics Officer (P4) ng kilusan, at Erickson Bedonia, alyas "Ricky" na miyembro naman ng kilusan.

Nasamsam sa pinangyarihan ng engkuwentro ang isang M16 rifle, isang baby armalite, isang M4 Bushmaster rifle, anim na jungle packs, at mga parte ng improvised explosive device.