Apat pang heneral ang naapektuhan ng pinakahuling rigodon sa Philippine National Police (PNP). Pinirmahan ni PNP chief, General Benjamin Acorda, Jr. nitong Marso 26 ang kautusang ipatupad ang balasahan sa kanilang hanay.
Isinagawa ni Acorda ang hakbang ilang araw bago ang pagreretiro nito sa Marso 31.
Sa nasabing reshuffle, itinalaga ni Acorda si dating Directorate for Information and Communication Technology Management (DICTM) director Major General Neil Alinsañgan bilang hepe ng PNP-Civil Security Group (CSG).
Pinalitan ni Alinsañgan sa puwesto si Police Major General Benjamin Silo na itinalaga namang hepe ng Area Police Command-Eastern Mindanao (APC-EM).
Papalitan naman ni Brigadier General Alan Nobleza, Regional Director ng Police Regional Office sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-BARMM), si Alinsañgan bilang DICTM director.
Si Brigadier General Prexy Tanggawohn, hepe ng Communications and Electronics Service, ay itinalaga bilang bagong Regional director ng PRO-BARMM kapalit ni Nobleza.