Napapaisip ka ba kung bakit ang direktang salin ng “Semana Santa” sa Ingles ay “Holy Week,” ngunit pagdating sa Filipino, ang tawag natin dito ay mga “Mahal na Araw” at hindi “Banal na Linggo?”
Dalawa ang posibleng paliwanag kung bakit “Mahal na Araw” ang tawag ng mga Pilipino sa “Holy Week,” ayon kay Msgr. Rolly dela Cruz sa kaniyang homiliya sa misa para sa Semana Santa sa Manila Cathedral.
Ani Father Rolly, ang unang paliwanag kung bakit tinatawag nating mga “Mahal na Araw” ang “Holy Week” ay ang isang kahulugan ng “mahal.” Ito ay ang kung paano natin sinasabi sa ating mga mahal sa buhay ang “Mahal kita.”
Pag-ibig.
“Kapag sinasabi natin sa isang taong ‘mahal kita,’ ibig sabihin, ‘mahalaga,’ ‘precious,’ ‘dear’,” ani Father Rolly.
“Dapat nating tandaan, na ang lahat ng ito ay ginawa ni Hesus, una ay bilang pagsunod sa kalooban ng Diyos, at ang ikalawa ay dahil mahal Niya tayo. Everything that will happen within the seven days is a sign of God’s love,” dagdag niya.
Tunay nga, mahal ang mga araw na ito dahil mahal tayo ni Hesus at nagpakasakit siya para sa ating kaligtasan.
Ang pangalawa namang dahilan kung bakit “mahal na araw” ang tawag natin sa Holy Week” ay ang isa pang kahulugan ng salitang “mahal” na karaniwang ikinakabit natin sa presyo ng mga bilihin: mataas ang halaga.
Expensive.
“Ang mga ginawa ni Hesus ay hindi lamang nagpapahayag ng kaniyang pagmamahal. Ito rin ay nagpapakita kung ano ang naging katumbas ng ating kaligtasan. At ito’y walang iba kundi ang dugo ni Kristo na dumaloy sa krus.”
“The price of our salvation is not cheap. The price of our salvation is the blood of the only Son of God.”
“Kaya siguro ang tawag ng mga Pilipino sa mga araw na ito’y mga mahal na araw. Hindi dahil sa hindi ito banal, kundi dahil sa mga mahal na araw na ito ay gugunitain natin ang pag-ibig ni Kristo sa atin at ang presyo ng ating kaligtasan,” saad ni Father Rolly.
Kaya naman, sa pagdiriwang natin ng Mahal na Araw, ani Father Rolly, sana’y magnilay-nilay tayo para humingi ng tawad at pagsisihan ang ating kasalanan—at pasalamatan si Kristo sa kaniyang walang hanggang pagmamahal at pagbuwis ng kaniyang ng buhay para sa atin.
“Let us say to the Lord, ‘Lord, thank you for your love. Thank you for going through this suffering because of me. Thank you for giving up your life so that I may have life’,” ani Father Rolly.
“And, finally, say to the Lord: ‘Lord, I love you. Mahal na mahal kita.”