Kinaantigan ng libo-libong netizen ang post ng isang financial adviser na si Jacklord Esguerra tungkol sa batang si “Princess” na nagbigay sa kaniya ng sampaguita.

Ayon sa kuwento ni Esguerra, pauwi na siya noon sakay ng kaniyang motorsiklo nang biglang may dalawang batang lumapit sa kanya para bentahan siya ng sampaguita habang nakatigil sa Petron Katipunan corner Boni Serrano. Pero humingi siya ng paumanhin dahil wala umano siyang cash sa wallet maski 100 pesos.

“Maya-maya, more or less 30 seconds bago mag-green light, inilagay ng batang babae ang sampaguita sa motor ko.” saad ng financial adviser.

Dalawang ulit pa umanong sinabi ni Esguerra na wala talaga siyang pambayad. Pero sa halip na alisin ang sampaguita sa motor, humiling na lang ito na magbomba ng motor at pinaalalahanan pa siyang mag-ingat sa pag-uwi na ikinatuwa diumano ni Esguerra kaya niya naisulat ang naturang post. 

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: 10 bansang hindi nagdiriwang ng Pasko

Matapos malaman ang pangalan ng batang nagbigay, nagpasalamat siya at nagsimula nang mag-drive pauwi. Bitbit ni Esguerra ang ngiti sa kaniyang labi at ang malaking aral na nakuha sa pagtatagpo nila ni Princess. Nangako pa siya sa sarili na babawi at babalik para rito.

“Thank you, Princess! Ikaw ang unang babaeng nagbigay ng bulaklak sa akin. May God bless you to have a comfortable life,” panapos na pahayag ni Esguerra.

Umani ng samu't saring reaksiyon ang nasabing post. Bukod pa doon, may ilang netizen din na nagpahayag ng kanilang interes para matulungan si Princess. 

Kaya sa eksklusibong panayam ng Balita kay Jacklord, sinabi nito na grateful siya na maging instrumento para matulungan si Princess.

“Though, wala pa talagang nabibigay na tulong, pero marami kaming gustong mag-donate sa kanya. I will visit her this weekends.”

Nang tanungin naman siya kung ano ang gusto niyang sabihin para sa mga gaya ni Princess, dalawang bagay ang binanggit niya:

“Para sa mga kabataan ngayon, nasaan ka mang estado ng buhay mo ngayon— laging humingi ng guidance kay Lord. Hindi maramot si Lord sa mga nagtitiwala at nagsusumikap–”

“Manatiling may mabuting puso. Tulad ni Princess, sa gitna ng kahirapan, hindi siya nagdalawang-isip magbigay. Hindi ito tungkol sa presyo ng kaya mong ibigay sa iba, pero yung kindness at respect na kaya mo i-offer.”