Ang Bibliya ang isa sa pinakamaimpluwensiyang aklat sa daigdig. Sa katunayan, ito ang libro na may pinakamaraming salin sa iba’t ibang wika. 

Kaya hindi nakakapagtaka na sa kabila ng delubyong kinaharap, Bibliya ang piniling protektahan ng karakter na si Jeremy sa pelikulang “The Day After Tomorrow.”

“This Bible is the first book ever printed,” sabi niya. “It represents the dawn of the Age of Reason. As far as I'm concerned, the written word is mankind's greatest achievement. You can laugh. But if Western civilization is finished, I'm gonna save at least one little piece of it.”

Batay sa isinagawang survey ng National Book Development Board (NBDB) noong 2017, Bibliya ang pangunahing aklat na binabasa ng mga Pilipino. 

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Sa bisa ng Republic Act 11163, itinalaga ang huling Lunes ng Enero bilang special non-working holiday para sa pagtalima sa National Bible Day 

Samantala, idineklara naman bilang National Bible Month ang buwan ng Enero sa ilalim ng Proclamation No. 124 na pinirmahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Enero 5, 2017.

Ngayong taon, ayon sa Philippine Bible Society, ang tema ng National Bible Month ay “God's Word: The Breath of New Life.”

Isa sa mga dahilan ng pagpapatupad ng nasabing proklamasyon ay ang malaking ambag ng Bibliya sa pagpapabuti ng bansa.

"History bears witness to the profound impact of the Bible on the life of nations, and to how it has moved and inspired many people, including statesmen and social reformers, to work for the betterment of their fellow human beings even at great cost to themselves," saad dito.

Pero bago pa man ito, nauna nang ipatupad sa bansa ang National Bible Sunday at National Bible Week noong 1982 sa ilalim ng Presidential Proclamation No. 2242 na pinirmahan naman ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr.

Ayon sa nakasaad sa proklamasyon, ipagdiriwang ang National Bible Sunday at National Bible Week sa unang linggo ng adbiyento at huling linggo ng Nobyembre kada taon.

Sa pagpasok ng bagong administrasyon, inilipat ni dating Pangulong Corazon Aquino ang pagdiriwang na ito sa buwan ng Enero sa bisa ng Proclamation No. 44.

Pinagtibay pang lalo ni dating Pangulong Fidel Ramos ang nasabing pagdiriwang upang  matagpuan ng mga Pilipino ang unibersal na katotoohanan sa bawat pahina ng Bibliya na magbibigay sa kanila ng pag-asa at tapang sa kabila ng kinakaharap na hirap at desperasyon. 

Binubuo ng 66 “canon scripture” ang Bibliya. 39 sa Lumang Tipan at 27 naman sa Bagong Tipan. Naisulat ang orihinal na manuskrito nito sa wikang Griyego, Hebreo, at Aramaico ng 40 katao sa pagi-pagitan ng panahon. 

Kung para sa iba ang Bibliya ay isa lamang tipak ng kasaysayan o isang uri ng akdang pampanitikan, para sa mga Kristiyano ito ay kalipunan ng mga salita ng Diyos.

Dahil ayon nga sa 2 Timoteo 3:16, “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, at kapaki-pakinabang sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagsaway sa kamalian, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay.”