Bilang pagninilay ngayong Semana Santa sa walang hanggang pagmamahal ng Diyos, halina’t muling bagtasin ang 14 Istasyon ng Krus na nagpapakita sa mga pinagdaanan ni Hesus nang magpakasakit Siya para sa kasalanan ng sanlibutan.
Narito ang bagong Way of the Cross na inilahad ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP).
THE FIRST STATION: The Last Supper
Noong gabing siya'y ipagkanulo, ang Panginoong Hesus ay dumampot ng tinapay, nagpasalamat at pinagpira-piraso iyon, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin.” Matapos maghapunan, dumampot din siya ng kalis at sinabi, “Ang kalis na ito ang bagong tipan na pinagtitibay ng aking dugo. Tuwing iinumin ninyo ito, gawin ninyo bilang pag-aalaala sa akin.” Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kalis na ito, ipinapahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kaniyang muling pagparito. (1 Corinto 11:23-26)
THE SECOND STATION: The Agony in Gethsemani
Lumabas si Hesus, at gaya ng kaniyang kinagawian, nagpunta siya sa bundok ng mga Olibo kasama ang kaniyang mga alagad. Pagdating doo'y sinabi niya sa kanila, “Manalangin kayo upang hindi kayo madaig ng tukso.” Iniwan niya sila at pumunta sa di-kalayuan, at doo'y lumuhod at nanalangin. Sabi niya, “Ama, kung loloobin mo, ilayo mo sa akin ang kopang ito, ngunit huwag ang kalooban ko ang masunod, kundi ang kalooban mo.” Dala ng matinding hinagpis, siya'y nanalangin nang lalong taimtim, at pumatak sa lupa ang kaniyang pawis na parang malalaking patak ng dugo. Pagkatapos manalangin, siya'y tumayo at lumapit sa kaniyang mga alagad. Nadatnan niyang natutulog ang mga ito dahil sa labis na kalungkutan. (Lucas 22:39-42;44-45)
THE THIRD STATION: Jesus Before The Sanhedrin
Tumayo ang pinakapunong pari sa harap ng kapulungan at tinanong si Hesus, “Wala ka bang isasagot sa paratang nila sa iyo?” Ngunit hindi umimik si Hesus at hindi sumagot ng anuman. Muli siyang tinanong ng pinakapunong pari, “Ikaw nga ba ang Cristo, ang Anak ng Kapuri-puri?” Sumagot si Hesus, “Ako nga. Makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan at dumarating na nasa mga ulap ng kalangitan.” Pinunit ng pinakapunong pari ang kaniyang kasuotan at sinabi, “Kailangan pa ba natin ng mga saksi? Narinig ninyo ang kaniyang paglapastangan sa Diyos! Ano ang inyong pasya?” Kinaumagahan, nagpulong agad ang mga punong pari, mga pinuno ng bayan, mga tagapagturo ng Kautusan, at iba pang bumubuo ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Hudyo. Ipinagapos nila si Hesus at dinala kay Pilato. (Marcos 14:60-64; 15:1)
THE FOURTH STATION: The Scourging and Crowning with Thorns
Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kung gayon, ano ang gagawin ko kay Hesus, na tinatawag na Cristo?” At sumigaw ang lahat, “Ipako siya sa krus!” Tanong ni Pilato, “Bakit? Ano ang nagawa niyang masama?” Ngunit lalo pang lumakas ang kanilang sigawan, “Ipako siya sa krus!” Pinalaya nga ni Pilato si Barabbas at ipinahagupit naman si Hesus. Pagkatapos, ibinigay siya sa kanila upang ipako sa krus. Si Hesus ay dinala ng mga kawal ng gobernador sa palasyo nito, at nagkatipon ang buong batalyon sa paligid niya. Siya'y hinubaran nila at sinuotan ng isang balabal na matingkad na pula. Kumuha sila ng matitinik na baging, ginawa itong korona at ipinutong sa kaniya. Pagkatapos, pinahawak sa kaniyang kanang kamay ang isang tangkay ng tambo. Siya'y niluhud-luhuran nila at kinutya ng ganito, “Mabuhay ang Hari ng mga Hudyo!” (Mateo 27:22-23; 26-29)
THE FIFTH STATION: Jesus Receives the Cross
Matapos kutyain si Hesus, hinubad nila ang balabal at muling sinuotan ng sarili niyang damit. Pagkatapos, inilabas siya upang ipako sa krus. (Mateo 27:31)
THE SIXTH STATION: Falls under the weight of the Cross
Sa kaniyang pagsuray-suray sa daan patungo sa Kalbaryo, naramdaman ni Hesus na nadurog ang krus na kaniyang pinasan sa kaniyang mga balikat. Higit pa, marahil, nadama niya ang labis na pagkabigla ng mga mandurumog na patuloy na nag-iinsulto sa kaniya na para bang siya ay isang kriminal... Dahil sa pagod sa gabing walang tulog at mga pagpapahirap na naranasan na niya, si Hesus ay nahulog sa lupa sa ilalim ng mabigat na krus at mga moral na pagpapahirap na dinanas niya.
THE SEVENTH STATION: Simon of Cyrene carries the Cross of Jesus
Nasalubong nila sa daan ang isang lalaking galing sa bukid, si Simon na taga-Cyrene na ama nina Alejandro at Rufo. Pilit nilang ipinapasan sa kaniya ang krus ni Hesus. (Marcos 15:21)
THE EIGHT STATION: Jesus Meets the Pious Women of Jerusalem
Sinusundan si Hesus ng maraming tao, kabilang ang ilang babaeng nag-iiyakan at tumatangis dahil sa kaniya. Nilingon sila ni Hesus at sinabi, “Mga kababaihan ng Jerusalem, huwag ninyo akong iyakan. Ang tangisan ninyo'y ang inyong sarili at ang inyong mga anak. Tandaan ninyo, darating ang mga araw na sasabihin nila, ‘Pinagpala ang mga baog, ang mga sinapupunang hindi nagdalang-tao, at ang mga dibdib na hindi nagpasuso.’ Sa mga araw na iyo'y sasabihin ng mga tao sa mga bundok, ‘Gumuho kayo sa amin!’ at sa mga burol, ‘Tabunan ninyo kami!’ Sapagkat kung ganito ang ginagawa sa kahoy na sariwa, ano naman kaya ang mangyayari sa kahoy na tuyo?” (Lucas 23:27-31)
THE NINTH STATION: Jesus is Nailed to the Cross
Nang dumating sila sa isang bundok na tinatawag na Bungo, ipinako nila si Hesus sa krus. Ipinako rin ang dalawang kriminal, isa sa kaniyang kanan at isa sa kaliwa. Sinabi ni Hesus, “Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” Ang mga tao nama'y nakatayo roon at nanonood, habang si Hesus ay kinukutya ng mga pinuno ng bayan. Sinabi nila, “Iniligtas niya ang iba; iligtas niya ngayon ang kaniyang sarili kung siya nga ang Cristo na hinirang ng Diyos!” (Lucas 23:33-35)
THE TENTH STATION: The Repentant Thief
Tinuya rin si Hesus ng isa sa mga salaring nakapako sa tabi niya, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at pati na rin kami.” Ngunit pinagsabihan naman ito ng kaniyang kasama, “Wala ka na bang takot sa Diyos? Ikaw ay pinaparusahan ding tulad niya! Tama lamang na tayo'y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito'y walang ginawang masama.” At sinabi pa nito, “Hesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.” Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo, isasama kita ngayon sa Paraiso.” (Lucas 23:39-43)
THE ELEVENTH STATION: Mary and John at the Foot of the Cross
Nakatayo sa tabi ng krus ni Hesus ang kaniyang ina at ang mga kapatid nitong babae, si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena. Nang makita ni Hesus ang kaniyang ina at ang minamahal niyang alagad na nasa tabi nito, sinabi niya, “Ginang, narito ang iyong anak!” At sinabi niya sa alagad, “Narito ang iyong ina!” Mula noon, pinatira ng alagad na ito sa kaniyang bahay ang ina ni Hesus. (Juan 19:25-27)
THE TWELFTH STATION: Jesus Dies on the Cross
Nang magtatanghaling-tapat na, hanggang sa ikatlo ng hapon, nagdilim sa buong lupain. (Lucas 23:44). Alam ni Jesus na naganap na ang lahat ng bagay. Kaya't upang matupad ang kasulatan ay sinabi niya, “Nauuhaw ako!” May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Inilubog nila rito ang isang espongha, ikinabit iyon sa isang tangkay ng hisopo at inilapit sa kanyang bibig. Pagkatanggap ni Jesus ng alak, sinabi niya, “Naganap na!” Sumigaw nang malakas si Jesus, “Ama, sa mga kamay mo'y ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu!” At pagkasabi nito, nalagot ang kanyang hininga. (Lucas 23:44; Juan 19:28-30; Lucas 23:46)
THE THIRTEENTH STATION: Jesus is Laid in the Tomb
Pagsapit ng dilim, dumating si Jose, isang mayamang taga-Arimatea na tagasunod din ni Hesus. Hiningi niya kay Pilato ang bangkay ni Jesus, kaya't iniutos ni Pilato na ibigay ito kay Jose. Nang makuha na ang bangkay, binalutan niya ito ng malinis na tela ng lino. Inilagay niya ito sa kaniyang bagong libingan na ipinauka niya sa bato. Pagkatapos, iginulong niya sa pintuan ang isang malaking batong panakip, at saka umalis. (Mateo 27:57-60)
THE FOURTEENTH STATION: Jesus Rises from the Death
Makaraan ang Araw ng Pamamahinga, sa pagbubukang-liwayway nang unang araw ng linggo, pumunta si Maria Magdalena at ang isa pang Maria sa libingan ni Hesus upang tingnan ito. Biglang lumindol nang malakas sapagkat bumaba mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon. Iginulong nito ang batong nakatakip sa libingan at umupo sa ibabaw niyon. Sinabi ng anghel sa mga babae, “Huwag kayong matakot; alam kong hinahanap ninyo si Hesus na ipinako sa krus. Wala na siya rito sapagkat siya'y muling nabuhay gaya ng kaniyang sinabi. Halikayo't tingnan ninyo ang hinimlayan niya. Magmadali kayo at ibalita sa kaniyang mga alagad na siya'y muling nabuhay! (Mateo 28;1-2; 5-7)
“Hesus, ikaw ang Panginoon ng mga buhay. Salamat, Panginoon, sa pagpapakasakit mo para sa amin. Salamat sa muling pagkabuhay para sa amin.” – CBCP