Pinag-uusapan umano ang pagpasok sa politika ng TV host-actor na si Luis Manzano ngayong darating na midterm elections ayon sa showbiz columnist na si Cristy Fermin.

Sa latest episode ng “Showbiz Now Na” nitong Lunes, Marso 24, nagpahayag si Cristy ng suporta kay Luis kung sakali man daw na tumakbo itong mayor ng Lipa, Batangas.

“Kung ako ay taga-Lipa City—hay naku!—ipagkakampanya ko siya. Magmo-motorcade kahit saan magpunta. Ikakampanya ko si Luis Manzano kung talagang tatakbo siya bilang mayor,” saad ni Cristy.

Sang-ayon naman sa kaniya ang dalawang co-host na sina Romel Chika at Wendell Alvarez sa sinabing ito ni Cristy. In fact, ayon kay Wendell, hinog-hinog na raw si Luis.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

“Pwedeng-pwede na siya. Alam mo naman, magaling siyang host. Magaling siyang artista,” sabi pa ni Wendell.

“Saka ang dami niyang natutulungan. Bilang celebrity, ang dami-dami niyang natutulungan. At ang kaniyang pagtulong po ay hindi niya ipinagmamakaingay,” pahayag pa ni Cristy.

Dagdag pa siyempre rito ang kaniyang mga natutuhan umano sa ina niyang si Vilma Santos na ilang taon ding nanilbihan sa gobyerno bilang mayor, governor, at congressman sa Batangas.

Pero sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang reaksiyon o pahayag si Luis para kumpirmahin at pabulaanan ang balita tungkol sa umano’y pagkandidato niya sa darating na eleksyon.