Isa sa pinakatampok na kaganapan tuwing Huwebes Santo ay ang “visita iglesia.” Literal na may kahulugang pagbisita sa simbahan. Ito ay isang banal na kaugalian ng mga Pilipino na bumisita nang hindi bababa sa pito o 14 na simbahan upang manalangin.

Ang ilang mga deboto ay naglalakbay sa 14 na simbahan upang kumatawan sa 14 na istasyon ng krus. Kaya naman, narito ang 14 na simbahan na maaari mong puntahan sa Metro Manila sa iyong pagbi-visita iglesia.

San Bartolome Parish [Malabon]

Ang parokya ng San Bartolome sa San Agustin, Malabon ay isa sa pinakamatandang simbahan sa buong bansa. Naging parokya taong 1614, ang 408-taong simbahan ay pinarangalan din bilang “Important Cultural Heritage” ng National Museum of the Philippines.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Diocesan Shrine and Parish of San Jose [Navotas]

Itinuturing bilang “Mother Church of Navotas,” ang parokyang ito ay matatagpuan sa San Jose, Navotas.

San Roque Cathedral-Parish [Caloocan]

Itinalaga bilang cathedral noong 2003, sa isang apostolic letter na “Quoniam Quaelibet” ni Pope John Paul II, ang Kalookan Cathedral ay matatagpuan sa Mabini Street, Caloocan.

Shrine of Our Lady of Grace [Caloocan]

Ang simbahang ito ay makikita sa Grace Park East, Caloocan at kauna-unahang simbahang itinalaga bilang “Diocesan Shrine” sa ilalim ng Diocese of Kalookan.

Immaculate Conception Parish [Manila]

Matatagpuan sa Tayuman, Manila, ang simbahan ng Immaculate Conception ay itinayo at naging parokya taong 1954.

San Sebastian Church [Manila]

Kilala bilang Basilica Minore de San Sebastian, ang parokya ng San Sebastian at Pambansang Dambana ng Our Lady of Mt. Carmel ay kilala dahil sa ganda ng arkitektura nito. Ito ay ginawa mula sa mga prefabricated na bahagi ng bakal mula sa Belgium at itinuturing na ang tanging all-steel na simbahan o basilica sa Asia. Idineklara ng Pamahalaan ng Pilipinas ang simbahan bilang National Historical Landmark noong 1973 at kasama rin sa pansamantalang listahan para sa inskripsiyon sa United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) World Heritage List.

Minor Basilica of the Black Nazarene [Manila]

Mas kilala bilang Quiapo Church. Ang simbahang ito ay isa sa pinakakilalang simbahan sa buong bansa dahil sa pagdagsa ng mga deboto taon taon.

Minor Basilica and National Shrine of San Lorenzo Ruiz [Manila]

Kilala rin bilang Binondo Church at National Shrine of Saint Lorenzo Ruiz; dating kilala bilang Our Lady of the Most Holy Rosary Parish, taong 1992 nang pinagkalooban ng Santo Papa Juan Paulo II ang nasabing simbahan ng titulong “minor basilica” na bilang parangal sa unang santong Pilipino.

Manila Cathedral [Manila]

Ang Minor Basilica and Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception, na matatagpuan sa Intramuros, ay isa sa pinakadinarayong simbahan lalo na tuwing Visita Iglesia. Bilang isa sa pinakaunang simbahan sa bansa, ang Manila Cathedral ay dating parokya sa ilalim ng Arkidiyosesis ng Mexico noong 1571.

San Agustin Church

Kaunting lakad lang mula sa Manila Cathedral, ang San Agustin Church o Archdiocesan Pontifical Shrine of Our Lady of Consolation and Cincture at isang World Heritage Site ng UNESCO.

Our Lady of Remedies Parish [Manila]

Kilala rin bilang Malate Church, ang parokyang ito ay itinatag ng mga prayleng Augustinian taong 1588. Nagtatampok ang simbahan ng magandang paghahalo ng arkitektura ng Muslim at baroque.

San Isidro Labrador Parish Church [Pasay]

Makikita sa kahabaan ng Taft Avenue, Pasay, ang naturang simbahan ay itinatag noong August 28, 1951.

Sta. Clara de Montefalco Parish [Pasay]

Naitayo noong 1864, ang simbahan ng Sta Clara sa Burgos, Pasay, ay isa sa mga malalaking simbahan sa naturang lungsod.

National Shrine of Our Mother of Perpetual Help [Parañaque]

Ito ay isa sa pinakamalaking Marian church sa Pilipinas. Mapupuntahan sa Roxas Boulevard sa Baclaran, Parañaque City, ang Baclaran Church ay bukas 24 oras araw-araw.

- Angelo Sanchez