Dahil na rin sa paglaganap ng kaso ng pertussis o whooping cough, pinaigting na ng Quezon City government ang pagsasagawa ng contact tracing.

Sa pahayag ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (ESD), bahagi ng kanilang hakbang ang pag-iimbestiga sa kaso upang matukoy ang ilang indibidwal na nakasalamuha ng nagpositibo sa sakit.

Isasailalim sa quarantine at gagamutin ang mga residenteng makitaan ng sintomas ng sakit.

Naiulat ng QCESD na nasa 23 kaso ng pertussis ang naitala ng lungsod hanggang nitong Marso 20.

Kabilang sa nasabing kaso ang apat na sanggol na binawian ng buhay ngayong taon.

Nauna nang nagpahayag ng pangamba si infectious disease expert Dr. Rontgene Solante na posibleng kumalat ang sakit sa Metro Manila kaya't pinayuhan nito ang bawat isa na magpabakuna laban sa sakit.

Ang pertussis ay nakahahawang sakit na naipapasa sa pamamagitan ng pag-ubo at pagbahing, ayon pa kay Solante.