Natagpuang patay ang dalawang batang may edad 2 at 3 sa loob ng sasakyan sa Angeles City, Pampanga nitong Biyernes ng hapon, Marso 22.
Ayon sa ulat ng GMA News, patay na nang matagpuan ng Angeles City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) ang dalawang bata nang rumesponde ang mga ito pasado alas-2 ng hapon.
Dagdag pa, umaga pa lamang ay hinahanap umano ng mga magulang ang mga ito. Isasailalim din sa awtopsiya ang mga bangkay ng dalawang bata para malaman ang sanhi ng pagkamatay ng mga ito.
Samantala, sa ulat naman ng ABS-CBN news, ang teoryang nakikita ng CDRRMO-Angeles City ay nakapasok umano ang dalawang bata sa loob ng kotse dahil hindi raw umano ito naka-lock.
“Ayon po sa initial report nung nagtanong yung mga responders hindi po sa kanila 'yung kotse. Iba po 'yung nagmamay-ari at nadiskubre lang yata no'ng may-ari no'ng buksan 'yung pinto ng kanyang kotse, may 2 bata na nasa loob,” saad ni Rudy Simeon, OIC ng CDRRMO-Angeles City.
Dagdag pa nito, "Parang teorya na nakikita po dun sa initial investigation, nakapasok, hindi daw naka-lock 'yung kotse at baka po 'yun ang nangyari. So ayon naman sa initial report din, umaga pa daw po nangyari yun dahil hinahanap na ng mga magulang yung mga bata ayon po dito sa pagtatanong ng team natin."
Pinayuhan din ni Simeon ang publiko na sikaping huwag palabasin ang kanilang mga anak kung wala raw kasamang matanda at nagbabantay sa mga ito.
“Sana po 'yung mga anak po nila talaga, huwag po nilang hayaan na maglaro na sila lang po. Dapat may mga nagbabantay lalo na sa mga ganitong edad po ng mga bata 2 years old at saka 3 years old, kailangan po talaga 'yung mga magulang po natin sikapin po nila na huwag palabasin 'yung mga anak nila na wala pong mga kasamang mga matatanda at magbabantay sa kanila.”