Napakahalaga ng Holy Week o Semana Santa para sa mga mananampalatayang Kristiyano dahil ito ang banal na linggo patungo sa Easter Sunday o ang muling pagkabuhay ng Panginoong Hesu-Kristo matapos Niyang ialay ang Sarili para sa sanlibutan.

Bilang pagninilay-nilay sa napakahalagang sandaling ito, halina’t alamin ang bawat kuwento na ginugunita sa bawat araw ng Semana Santa.

Linggo ng Palaspas: Ang pagpasok ni Hesus sa Jerusalem

Ginugunita sa Linggo ng Palaspas ang matagumpay na pagpasok ni Hesus sa Jerusalem sakay ang isang asno. Sa kaniyang pagpasok sa templo, masayang naglatag ang mga tao sa lugar, na nagdidiwang ng pista ng Paskwa, ng mga dahon ng palma o palaspas sa kaniyang dinaraanan. Sa araw na ito rin ang pagsisimula ng Semana Santa at ang nalalapit na pagdating ng araw ng paghihirap ni Hesus para sa kasalanan ng mga sanlibutan.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Lunes Santo: Ang paglilinis ni Hesus ng Templo

Sa araw na Lunes Santo inaalala ang paglilinis ni Hesus sa Jerusalem sa pamamagitan ng pagpapaalis sa mga nagtitinda ng mga hayop at nagpapalit ng salapi, na pawang ginawang pamilihan ang templo. Pinagsabihan Niya ang mga ito at sinabing: “Alisin ninyo rito ang mga iyan. Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama.”

Martes Santo: Ang pagtuturo ni Hesus ng mga parabula

Ginugunita sa Martes Santo ang pagpapatuloy ni Hesus sa pagtuturo ng mga aral sa Jerusalem sa pamamagitan ng parabula, na nagpagalit sa mga Pariseo at Saduseo. Sa araw na ito rin sinabi ni Hesus sa Kaniyang mga disipulo na Siya ay ipapako sa krus.

Miyerkules Santo: Ang pagtataksil ni Hudas kay Hesus

Tinatawag ding “Spy Wednesday,” ang Miyerkules Santo ang araw kung kailan nagsimula nang ipagkanulo ni Hudas si Hesus. Sa mga sandaling ito raw naghahanap ng pagkakataon si Hudas para ibigay si Hesus sa mataas na saserdote.

Huwebes Santo: Ang Institusyon ng Eukaristiya

Sa Huwebes Santo ginugunita ang Institusyon ng Eukaristiya. Sa araw na ito nangyari ang Huling Hapunan, kung saan iniabot ni Hesus ang tinapay at kalis na tanda ng pag-alaala sa Kaniya. Ginugunita rin sa araw na ito ang paghuhugas ni Hesus sa mga paa ng Kaniyang mga disipulo.

Biyernes Santo: Ang pagkamatay ni Hesus para sa kasalanan ng sanlibutan

Ginugunita sa Biyernes Santo ang araw ng pagpapako kay Hesus sa Krus at ang Kaniyang pagkamatay para sa kasalanan ng sanlibutan. Inaalala rin sa araw na ito ang 14 istasyon ng Krus at pitong huling salitang binitawan ni Hesus bago ang Kaniyang pagpanaw.

MAKI-BALITA: Ang 7 Huling Salita ni Hesus bago mamatay sa krus

Sabado de Gloria: Ang paglibing kay Hesus

Ang Sabado de Gloria ang araw kung kailan inilibing si Hesus. Tinawag ding “Black” Saturday sa Ingles ang araw na ito dahil sa paglalarawan sa kalungkutan at kapighatiang nararanasan ng mga disipulo at mga taong naniniwala kay Hesus dahil sa pagkamatay Niya.

Linggo ng Pagkabuhay: Ang pagbabalik at muling pagkabuhay ni Hesus

Tinatawag din ang Linggo ng pagkabuhay bilang “Pasko ng Pagkabuhay” dahil ito ang pinakamasayang araw para sa mga mananampalataya. Sa araw na ito ginugunita ang muling pagkabuhay at pagbabalik ni Hesus pagkatapos ng tatlong araw.

“Pasalamatan natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Hesu-Kristo. Dahil sa laki ng habag Niya sa atin, tayo'y binigyan Niya ng isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Hesu-Kristo.” – 1 Pedro 1:3.