Nag-uumapaw ang potensyal ng kabataan. Punong-puno sila ng sigla at lakas. Kaya nga malaki ang inaasahan sa kanila ng simbahan, paaralan, o pamahalaan. 

Hawak nila ang desisyon kung saang yunit ng lipunan sila higit na makapag-aambag ng kanilang oras, talino, talento, kakayahan, at enerhiya.

Gaya halimbawa ni Gilbert V. Borlaza, taga-barangay Ponon, Atimonan, Quezon, na piniling ilaan ang ilang taon ng kaniyang kabataan sa pamamagitan ng pagganap sa Senakulo.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng nakararami na “Katolisismo” ang isa sa pinakamalaking impluwensiyang naipamana ng mga Kastilang mananakop sa Pilipinas mula noong una silang dumating dito sa kapuluan noong 1512 sa pangunguna ni Ferdinand Magellan. 

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

At hanggang ngayon, nananatili ang impluwensiyang ito sa marami nating mga kababayan sa kabila ng mga bagong nagsulputang relihiyon sa pagi-pagitan ng panahon.

Sa katunayan, ayon sa statistical yearbook ng Vatican na “Annuario Pontificio,” Pilipinas pa rin daw ang may pinakamaraming bilang ng mga Katoliko sa buong Asya.

Kaya hindi nakapagtataka kung bakit hanggang ngayon ay patuloy na umiiral ang mga tradisyong nakakabit sa relihiyong ito gaya nga ng Senakulo. 

Ang Senakulo ay pagtatanghal o pagsasadula sa isang bahagi ng buhay ni Hesus kung kailan siya pinahirapan at ipinako sa krus hanggang sa tuluyang mamatay. Isinasagawa ito tuwing sasapit ang Mahal na Araw bilang pag-alala sa pagmamahal ng Diyos sa sanlibutan.

MAKI-BALITA: 7 tradisyon sa Pilipinas tuwing Semana Santa

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Gilbert, ibinahagi niya ang kaniyang natatanging karanasan sa Senakulo lalo na nang gumanap siya bilang Hesus sa naturang pagtatanghal.

Ayon kay Gilbert, high school daw siya nang sumali siya sa Senakulo. 2018. Kasabay niya raw noon ang kaniyang mga kababata at kapuwa kabataan ng kanilang parokya sa gabay ng Teatro Tanglao, samahan ng mga mandudula sa Pagbilao, Quezon.

“Bagama’t sumisimba naman ako madalas at pamilyar na dahil nakakapanood ng Senakulo no'ng araw, hindi ko naisip na darating ang araw na isa ako sa mga gaganap bilang karakter dito,” kuwento ni Gilbert. 

Pagpapatuloy pa niya: “Sa pamamagitan ni Rev. Father Celo Cabarrubias, muling nabuhay ang Teatro ni Maria sa Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay.”

Pero bago pa man siya gumanap na Hesus, ang karakter ni Gilbert sa Senakulo ay nagsimula muna bilang kawal. Hanggang sa dumating ang takdang panahon na siya naman ang pinahirapan at ipinako sa krus.

“Bagama’t makasalanan ako at alam kong hindi naman ako karapat-dapat na isakarakter ang Kaniyang kaluwalhatian, sino ako para tumanggi sa isang hindi matatawarang pagkakataon at oportunidad na hindi lamang isabuhay kundi personal na damhin ang dinanas Niya noon?” saad niya.

Dahil dito, binago raw ng Senakulo ang buhay ni Gilbert. Marami siyang bagay na natutunan. At hindi naman niya ipinagkait na ibahagi ang ilan sa mga ito.

Ayon sa kaniya: “Natuto akong magsakripisyo ng personal na ganap, lakad, o anomang sumasabay sa oras ng aming practice. ‘Ka ko, kung hindi man lang kayang maglaan ng oras, para ko na ring isinawalang-bahala ang sakripisyo ni Hesus para sa sangkatauhan.”

“Natuto akong mas paglaanan ng panahon ang mas may-kabuluhang bagay na ito dahil hindi ito simpleng pagtatanghal lamang - ito'y pagbibigay ng papuri, taimtim na paggunita, at pagbabalik-tanaw sa hindi-matatawarang sakripisyo ng Panginoon sa ating lahat,” dugtong pa niya.

Gayunpaman, kahit tapos na ng kaniyang pag-aaral sa kolehiyo at nagtatrabaho na, bukas pa rin daw si Gilbert sa posibilidad na gumanap muli sa Senakulo.

“Kailanma'y hindi ako tatalikod sa aking pinagmulan - palagi kong tatanggapin nang buong puso't galak gaya ng pagtanggap n'ya't pagpapatawad sa aking mga kasalanan bilang tao,” saad pa niya.

Dahil kung tutuusin, hindi naman talaga natatapos ang pag-uukol ng sarili sa mga bagay na pinaniniwalaan nating mahalaga. Wala itong pinipiling panahon o edad. Maaaring magbago ang anyo at paraan. Pero hindi matatapos.