Ngayong Semana Santa ating alalahanin ang sakripisyo ng ating Panginoong Hesus sa krus ng kalbaryo para sa ating kaligtasan.
Bago ang huling hininga ni Hesus, nasambit Niya ang huling pitong mahahalagang salita na sumisimbolo ng pagmamahal ng Diyos sa sangkatuhan—mga salitang nararapat na pahalagahan at pagnilay-nilayan.
Patuloy nating buksan ang ating mga puso at pagnilayan ang mga salita ng ating Panginoong Hesus.
"Father, forgive them, for they do not know what they are doing."
"Sinabi ni Jesus, 'Ama, patawarin mo sila dahil hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.' Nagpalabunutan ang mga sundalo para paghahati-hatian ang mga damit ni Jesus." - Lucas 23:34 ASND (Luke 23:34)
Kahit nasaktan dulot ng koronang tinik, ipinakong mga kamay, at sinugatang katawan, patuloy pa ring inaalala ni Hesus ang sanlibutan. Tinanggap Niya ang sakit at pinatawad Niya tayo—na rason kung bakit Siya ipinako sa krus.
Kahit nasaktan, patuloy pa ring nagpatawad.
"Truly, I tell you, today you will be with Me in paradise."
"Sumagot si Jesus, 'Sasabihin ko sa iyo ang totoo, ngayon din ay makakasama kita sa Paraiso.'" - Lucas 23:43 ASND (Luke 23:43)
Isang katiyakan na pinanghawakan ng isang makasalanan ay ang makarating sa paraiso. Wala na sigurong lugar na mas gaganda pa sa paraiso kung saan tayo dadalhin ng ating Diyos.
Ang paraiso ay isang lugar na kung saan wala nang sakit, karamdaman, at kahit pagtangis. Itong lugar na ito ay punong-puno ng kaligayahan, kapayapaan, pag-asa, at pagmamahalan habambuhay.
"Dear woman, here is your son. And son, here is your mother."
"Nang makita ni Jesus ang kanyang ina na nakatayo roon katabi ng minamahal niyang tagasunod, sinabi niya, 'Babae, ituring mo siyang anak.' At sinabi naman niya sa tagasunod niya, 'Ituring mo siyang ina.' Mula noon, tumira na ang ina ni Jesus sa tahanan ng tagasunod na ito." - Juan 19:26-27 ASND (John 19:26-27)
Sa araw na ipinako si Hesus sa krus, inalala rin Niya ang kaniyang ina na si Mary. Sinigurado Niyang may mag-aalaga at may magmamahal sa Kaniyang ina bago Siya lumisan sa mundo. Paalala rin ito na dapat din nating alagaan, pahalagahan, at mahalin ang ating pamilya.
"My God, my God, why have you forsaken me?"
"Nang mag-alas tres na ng hapon, sumigaw si Jesus nang malakas, 'Eloi, Eloi, lema sabachtani?' na ang ibig sabihin ay 'Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?'" - Mateo 27:46 ASND (Matthew 27:46)
Kagaya ng isang nasaktang anak na napadaing sa ama. Napasigaw si Hesus at nagtanong sa Kaniyang Ama dahil sa matinding sakit na naramdaman.
Naramdaman Niya ang sakit na ito hindi dahil may ginawa Siyang kasalanan kundi dahil sa Kaniyang buong pusong pagsunod sa Diyos Ama. Dahil sa pagsunod Niyang iyon, Siya ang nagpalaya sa atin sa ating mga kasalanan.
"I am thirsty."
"Alam ni Jesus na tapos na ang misyon niya, at para matupad ang nakasulat sa Kasulatan, sinabi niya, 'Nauuhaw ako.'" - Juan 19:28 ASND (John 19:28)
Likas sa isang tao kapag nainitan ay umiinom ng tubig habang balot ng pawis para mapawi ang init at uhaw.
Marahil sa init ng tirik na araw, nakaramdam ng pagkauhaw si Hesus. Bukod sa pawis ay nababalutan din Siya ng Kaniyang dugo. Ngunit sa Kaniyang pagkauhaw, hindi tubig ang ibinigay sa Kaniya kundi isang maasim na alak.
"It is finished."
"Nang masipsip na ni Jesus ang alak, sinabi niya, 'Tapos na!' Iniyuko niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga." - Juan 19:30 ASND (John 19:30)
Tinupad ni Hesus ang nakasaad sa propesiya. Buong puso Niyang ginawa lahat ng ipinag-uutos sa Kaniya ng Kaniyang Ama—mula umpisa hanggang dulo—kahit pagkamatay sa krus. Isang patunay na kung ano ang Kaniyang sinimulan ay Kaniya ring tatapusin.
"Father, into your hands I commit my spirit."
"Sumigaw nang malakas si Jesus, 'Ama, ipinagkakatiwala ko sa inyo ang aking espiritu!' At pagkasabi niya nito, nalagot ang kanyang hininga." - Lucas 23:46 ASND (Luke 23:46)
Hanggang sa huli, ipinagkatiwala at isinuko Niya sa Diyos Ama ang Kaniyang buhay. At alam Niya na sa kahuli-hulihan, ang Kaniyang Ama lamang ang kaniyang matatakbuhan. Patunay rin na kapag buo ang pagtitiwala sa Diyos ay buo rin ang pagsunod.
Nawa ang pitong huling salita ni Hesus ay maging daluyan ng kalakasan, kapayapaan, at pag-asa sa buhay ng bawat isa.
Maraming salamat Panginoong Hesus sa Iyong buong pusong pagsunod kung kaya't kami ngayon ay malaya na sa kasalanan—na kung tutuusin kami dapat ang ipinako at namatay doon sa krus kalbaryo.
Salamat Panginoong Hesus sa Iyong banal na dugo at buhay na Iyong inialay.