Posibleng kumalat ang pertussis o whooping cough sa Metro Manila kasunod na rin ng paglaganap nito sa Quezon City.

Ito ang pangamba ni infectious disease expert Dr. Rontgene Solante at sinabing kailangang magpabakuna ng bawat isa laban sa sakit dahil ang impeksyon nito ay posibleng magdulot ng komplikasyon na maaaring mauwi sa pagkamatay.

“Alam naman natin na hindi lang ang Quezon City ang puwedeng madapuan nito kundi buong National Capital Region because dense ang population. Puwedeng magkakahawa-hawaan ang mga bata, including iyong mga adult population iyong may mga edad na, hindi iyan exempted sa mga ganitong klaseng impeksiyon,” pagdidiin ni Solante.

National

De Lima kay VP Sara: ‘Kung magnakaw wagas, kapag pinapaliwanag andaming hanash!’

Tinukoy ni Solante ang sitwasyon ng mga bata at sanggol na madaling dapuan ng sakit.

“Isa ito sa mga hakbang na paigtingin natin ‘no, paigtingin natin ang pagbabakuna sa mga vulnerable population especially sa mga bata. Hindi tayo nagpa-panic pero it’s something na we need to monitor kasi hindi basta-basta ang pertussis, especially sa mga bata or sa mga infant ‘no, iyong mga talagang mga sanggol pa lang dahil puwedeng komplikasyon, puwedeng ikamatay,” aniya.

Nauna nang nagbabala ang World Health Organization (WHO) na nakahahawa ang sakit sa pamamagitan ng maliliit na patak mula sa pag-ubo at pagbahing.

Nitong Huwebes ay idineklara ng Quezon City government ang paglaganap ng sakit dahil sa patuloy na pagtaas nito na ikinasawi ng apat na sanggol ngayong taon.