Ang pag-aresto kay dating Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. sa Timor Leste ay isa raw halimbawa kung paano aarestuhin si dating Pangulong Rodrigo Duterte ayon kay dating Senador Antonio Trillanes IV.
Matatandaang nitong Huwebes, ibinahagi ng Department of Justice (DOJ) na naaresto si Teves sa Dili East Timor habang naglalaro ito ng golf sa Top Golf Driving Range and Bar.
Naging posible umano ang pag-aresto kay Teves sa pamamagitan ng pagtutulungan ng law enforcement agencies, kabilang na ang International Police (INTERPOL) National Central Bureau (NCB) sa Dili at sa pakikipag-ugnayan sa East Timorese Police.
Maki-Balita: Teves, arestado sa Timor Leste habang naglalaro ng golf – DOJ
Kaugnay nito, sinabi ni Trillanes na ito raw ang magiging halimbawa kung paano aarestuhin si Duterte ng International Criminal Court (ICC) sakaling lumabas daw ang warrant of arrest nito.
“Ang pag-aresto kay Teves sa tulong ng Interpol at Timor Leste police force ay magiging halimbawa kung papano aarestuhin si Duterte kapag lumabas na ang kanyang ICC warrant at kapag padadaanin din ito sa Interpol,” anang dating Senador sa kaniyang X account.
“Ito ay obligation ng isang member State ng Interpol gaya ng Pilipinas. Gaya ng ginawa kay Teves, nung ibinaba ng Interpol ang ‘red notice’ o international warrant of arrest nya sa Timor Leste police, hindi ito nagquestion ng validity of the red notice kundi hinuli agad si Teves,” paliwanag pa niya.
https://twitter.com/TrillanesSonny/status/1770993504422170961
Matatandaang si Trllanes din ang humihimok sa administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. na payagan ang ICC na imbestigahan ang “war on drugs” ni Duterte.
Maki-Balita: Trillanes, hinimok gov’t na payagan ang ICC na imbestigahan ‘drug war’ ni ex-Pres. Duterte
Kaugnay na Balita: TV footage ng pahayag ni ex-pres. Duterte tungkol sa ‘EJK’, natanggap na ng ICC—Trillanes
Gayunman, iginiit ng dating Pangulo na hindi umano siya pahuhuli nang buhay sa ICC.
Maki-Balita: Ex-Pres. Duterte, ‘di raw pahuhuli nang buhay sa ICC: ‘Uubusin ko ‘yang mga p***ng i***g ‘yan’