Nakagawian ng mga Pilipino na gunitain ang Semana Santa o Holy week kada taon. Panahon ito para makapagninilay-nilay at bigyang-halaga ang mga sakripisyo ng Panginoong Hesukristo sa krus ng kalbaryo.

Bukod sa pagninilay-nilay o paghingi ng kapatawaran sa mga nagawang pagkakamali o kasalanan, naging parte na rin ng tradisyon ng mga Pinoy na sundin ang mga “superstitious beliefs” tuwing Semana Santa.

Narito ang mga pamahiin at paniniwalang dapat umanong sundin ng mga Pilipino:

1.  Bawal ang mag-ingay. 

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Bukod sa posibleng maka-istorbo umano ang ingay o malakas na tugtog sa mga taimtim na nagdarasal, ang malakas na tugtog daw ay nagtatawag ng kamalasan o disgrasya. Posible rin umanong makagambala sa mga aktibong espiritu na nasa paligid. Kaya mas mainam na iwasan ang malakas na ingay o pagpapatugtog tuwing mahal na araw.

2. Iwasang masugatan.

Ayon sa paniniwala ng matatanda, dapat mag-double ingat sa panahon ng Semana Santa, lalong-lalo na sa mga patalim na bagay na posibleng makasugat. Kapag ikaw daw ay nasugatan, hindi umano mabilis maghilom ang iyong sugat.

3. Bawal ang gumala. 

Isa mga pamahiin ay bawal ang gumala lalong-lalo na sa mga kabataan, dahil ayon sa paniniwala, kapag ikaw ay gumala sa mahal na araw malaki ang tsansang ikaw ay maaksidente.

4. Bawal na maligo pagsapit ng alas tres ng hapon. 

Tuwing Biyernes Santo, ipinagbabawal ng mga matatanda ang maligo sa pagsapit ng alas tres ng hapon, dahil ito ang araw ng pagkamatay ni Kristo at ang sumuway ay mamalasin umano. Mayroon ding nagsasabing kapag hindi mo ito susundin at naligo ka, lapitin ka umano ng mga ligaw na kaluluwa na dahilan kung bakit magkakasakit ka.

Iginiit naman ng kaparian na ang mga tradisyunal na pamahiin ay hindi nakasulat sa banal na aklat o sa Bibliya at hindi dapat ikabahala kapag hindi ito nasunod.

Dagdag pa nila, posibleng panakot lamang ito sa kabataan upang samahan ang kanilang mga magulang na gunitain nang tahimik ang Semana Santa, sa pamamagitan ng pagdarasal nang taimtim at pagninilay-nilay.

Samantala, paniniwala naman ng karamihan na wala namang mawawala kung paniwalaan ang nasabing pamahiin at mas mainam daw na sundin na lamang ito para makaiwas sa negatibong posibleng mangyari.

- Alex Salva Quiño