Maraming Pilipino ang hindi sumeseryoso sa mga sakit na may kaugnayan sa isip gaya ng depression, anxiety disorder, schizoprenia, at marami pang iba. 

Para sa ilan, hindi naman ito totoong umiiral. Itinuturing na isang sakit na gawa-gawa lang ng isip. Imahinasyon kumbaga. Hindi ito kasing-bigat ng mga sakit na lantad sa ating mga paningin tulad ng cancer, diabetes, at stroke.

Kaya naman, hindi nakapagtatakang noong Oktubre 2023 ay idineklara ng Philippine Mental Health Association Inc. o (PMHA) ang “rising epidemic of mental health crisis” sa Pilipinas.

Sa isang bansang gaya ng sa atin na hindi masyadong binibigyan-tuon ang usapin at diskurso ng mental health, isang malaking kawalan si Dra. Gia Sison. 

ALAMIN: Ano nga ba ang EBET Law na pinirmahan ni PBBM

Pumanaw na kasi siya nitong Huwebes, Marso 21, sa edad na 53 dahil umano sa pulmonary embolism at heart failure. Kinumpirma ito ng kaniyang mga mahal sa buhay at malalapit na kaibigan sa pamamagitan ng mga serye ng social media post.

Pero bukod sa kaniyang kamatayan, higit na mahalagang pag-usapan ang makabuluhan niyang buhay. 

Sa kaniyang panayam sa programang ">“Paano Kita Mapapasalamatan?” ay inamin ni Dra. Sison na bata pa lang siya ay pangarap na raw talaga niyang maging doktor. Pero gaya ng maraming estudyante na tinutupad ang minimithing propesyon, hindi naging madali sa kaniya ang pag-aaral.

“Ang hirap talaga. In fact, first year med school pa lang binagsak ko na ‘yong isang subject at nag-remedials ako. Mayroon na akong mga tanong na kung ‘dapat ba ito ay para sa akin?’ Hindi talaga magiging madali ang isang passion,” kuwento niya.

“Noong first take ko ng PRC board exam, hindi ko ‘yong ipinasa. And ang feeling ko no’n, parang gumuho ‘yong mundo ko. I was really frustrated,” aniya. 

Dagdag pa ng doktora: “Pero sabi ko, there came a time sa life ko na sinabi ko na rin na tama na ang mga tanong. Aksyon na lang kasi ‘yon ang kinailangan ko at that time.”

Kaya naman, naipasa ni Dra. Sison ang ikalawa niyang board exam at nakapagpatayo rin ng sariling clinic. At higit sa lahat, nakatagpo ng pag-ibig sa katauhan ni Dr. Rigon Sison. Hanggang sa biyayaan sila ng dalawang anak.

Bago pa man siya tuluyang yumao, nauna nang nakipagbuno si Dra. Sison sa breast cancer. Kaya pagkatapos niyang mapagtagumpayan ang labang ito, naging advocate siya ng breast cancer awareness. Tumayo rin siya bilang Head ng Women Wellness Center sa Makati Medical Center.

Nagsilbi rin siya bilang Philippine Leader sa Livestrong Foundation, isang non-profit organization na nakabase sa Amerika para magbigay ng suporta sa mga taong may cancer, at bilang National Adviser ng Youth for Mental Health Coalition.

At noong Oktubre 2022, bilang pakikiisa sa World Mental Health Day, nakipagtulungan si Dra. Sison sa mga Pilipinong komedyante para ikampanya ang #ItsOkToCry.

“This World Mental Health Day, Doc Gia and Filipino comedians come together to say that, sometimes, laughter isn’t the best medicine. Crying is,” saad niya sa caption ng kaniyang post.

Bukod sa pagiging medical doctor, si Dra. Sison ay host din ng podcast na “Walwal Sesh” sa Spotify kung saan tampok ang mga paksang tulad ng heartbreak, mental health, sex, equality, at marami pang iba.