Humina na ang epekto ng northeast monsoon o malamig na hanging amihan sa bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Biyernes, Marso 22.

Sa Public Weather Forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inihayag ni Weather Specialist Obet Badrina na sa bahagi ng Extreme Northern Luzon, partikular na sa Batanes, na lamang nakaaapekto ang amihan ngayong Biyernes, kung saan magdadala raw ito ng maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan.

“Malaki ang posibilidad na tuluyan nang hihina itong northeast monsoon, at posibleng sa araw na ito ay maaaaring ideklara ng PAGASA ang pagtatapos ng panahon ng amihan,” ani Badrina.

Samanta, patuloy naman daw ang pag-iral ng easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, sa malaking bahagi ng bansa.

National

Giit ni Romualdez: Trahedya ng Bagyong Yolanda ‘di na raw dapat maulit

Kaugnay nito, posibleng magdala ang easterlies ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Caraga, Davao Oriental, and Davao de Oro.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan naman ang posibleng maranasan sa Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Aurora, Quezon, at Camarines Norte dulot ng malamig na hanging amihan.

Samantala, inihayag din ng PAGASA na maaaring makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa easterlies at localized thunderstorms.

Posible rin daw ang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).