Nasa 17 barko ang hinuli ng Philippine Coast Guard (PCG) dahil sa umano'y illegal dredging activities sa karagatan ng Zambales kamakailan.

Sa Facebook post ng PCG, ang mga nasabing barko ay kabilang lamang sa 28 sasakyang pandagat na kanilang ininspeksyon mula Marso 19-21.

Kasama sa nasabing bilang ang barko ng China, Sierra Leone at Panama habang ang 25 iba pa ay pawang bareboat charters na nakarehistro sa Pilipinas, ayon sa pahayag ni PCG Spokesperson, CG Rear Admiral Armando Balilo.

Kinumpiska ang mga nasabing barko kasunod na rin ng ikinasang marine environmental protection (MEP) inspection at vessel safety enforcement inspection (VSEI) ng Coast Guard kamakailan.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Kabilang sa mga sinamsam ang cutter suction dredger ng China, anchor boat ng Sierra Leone at tugboat ng Panama.

Matatandaang walo sa 10 na ininspeksyon na barko ang hinuli ng PCG nitong Marso 21 dahil sa mga paglabag sa kanilang dredging operations sa kamakailan.

Kamakailan, sumugod si Senator Jinggoy Estrada sa San Felipe, Zambales matapos magreklamo ang mga residente dahil naapektuhan na ng dredging activities ang kanilang hanapbuhay.

"The ongoing dredging activities may disturb the overall balance of the ecosystem; therefore, we must take into consideration the long-term effects of these actions. Our natural resources need to be protected," ang bahagi ng pahayag ng senador.

Hiniling na rin ni Estrada sa Senado na silipin ang usapin dahil nakatanggap ito ng ulat na ang mga buhangin na nahahakot sa dredging operations ay dinadala sa reclamation areas sa Manila Bay, sa tulong ng isang Chinese company.