Isa ang Holy Week o Semana Santa sa pinakamahahalagang okasyon para sa mga mananampalataya dahil sa panahong ito nagtitipon-tipon ang bawat pamilya at komunidad upang magnilay-nilay at, higit sa lahat, alalahanin ang pagpapakasakit ng Panginoong Hesu-Kristo para sa sanlibutan.
Narito ang ilang mga tradisyon sa Pilipinas na hanggang ngayon ay isinasabuhay tuwing Semana Santa.
Linggo ng Palaspas
Ang Linggo ng Palaspas ay ang huling linggo ng Kuwaresma at pagsisimula ng Mahal na Araw. Sa araw na ito nagsisimba ang mga mananampalataya hawak ang kanilang mga palaspas, na nagrerepresenta sa mga dahon ng palma na inilatag ng mga tao sa daan ni Hesus habang nakasakay sa isang asno papasok sa Jerusalem. Iwinawagayway ng mga mananampalataya ang kanilang palaspas simbahan habang binabasbasan naman ito ng pari, na nangangahulugang pinapapasok nila sa kanilang buhay si Hesus.
Pabasa ng Pasyon
Ang Pabasa ng Pasyon ay ang walang patid na pag-awit ng “Pasyon” o “Pasyon ni Hesukristo.” Isa itong paraan kung saan pinapaalalahanan ang mga mananampalataya na magsisi para sa kanilang mga kasalanan habang nagmumuni-muni sa buhay ni Hesu-Kristo, bago siya ipinako sa krus, namatay at muling nabuhay.
Paghuhugas ng paa
Ang paghuhugas ng paa ay ginagawa sa misa tuwing Huwebes Santo, na gumugunita sa Huling Hapunan ni Hesus. Sa tradisyong ito, hinuhugasan ng pari ang paa ng 12 tao sa simbahan, na nagrerepresenta sa ginawang paghuhugas ni Hesus sa paa ng kaniyang 12 disipulo.
Alay Lakad
Ang Alay Lakad ay ang mahabang paglalakad ng mga mananampalataya, kung saan ang iba ay nakapaa lamang, patungo sa mga simbahan. Kilala sa tradisyong ito ang Antipolo Cathedral sa Antipolo City, Rizal, na nilalakad ng mga mananampalataya mula sa Quiapo Church at iba pang bahagi ng Metro Manila at karatig na lugar tuwing Huwebes Santo. Ginagawa raw ito bilang pagsasakripisyo at pagninilay sa pagpapakasakit, pagkamatay, at muling pagkabuhay ni Hesus. Dinaraanan nila sa kanilang paglalakad ang 14 na Istasyon ng Krus patungo sa simbahan.
Visita Iglesia
Ang Visita Iglesia ay ang pagbisita ng mga mananampalataya sa hindi bababa sa pitong iba't ibang simbahan bilang sagisag sa Pitong Huling Salita o ang Holy Wounds ni Hesu-Kristo. Samantala, 14 mga simbahan naman ang binibisita ng ibang mga mananampalataya upang tumugma raw sa 14 na Istasyon ng Krus.
Siete Palabras
Ang Siete Palabras ay ang pitong huling winika ni Hesus bago siya mamatay sa Krus. Nagkakaroon ng misa tuwing Biyernes Santo kung saan pinagninilayan at ibinabahagi ng mga pari at mga piling parokyano ang aral na makukuha ng bawat isa sa pitong huling winika ng Panginoon.
MAKI-BALITA: Ang 7 Huling Salita ni Hesus bago mamatay sa krus
Senakulo
Ang Senakulo ay isang stage play na naglalahad sa buhay ni Hesu-Kristo mula sa kaniyang pagsilang hanggang sa kaniyang pagkamatay sa krus. Ginagawa ito ng mga mananampalataya upang alalahanin ang ginawa ni Hesus para sa sanlibutan.
Penitensya
Ang Penitensya ay ang pagsasabuhay sa pagpasan ni Hesu-Kristo sa krus hanggang sa pagpapapako sa kaniya para sa sanlibutan. Ginagawa ito ng ilang mga mananampalataya bilang pagpapahayag nila ng kanilang paniniwala sa Diyos at pagsisisi sa kanilang mga kasalanan.
Prusisyon
Ang prusisyon ay ang pagparada ng mga mananampalataya kasama ang ilang mga religious icon at karosa. Ginagawa ito upang gunitain ang kamatayan at pagpapakasakit ni Hesu-Kristo para sa sanlibutan.
Salubong
Ang Salubong ay nagaganap tuwing Linggo ng Pagkabuhay kung saan ipinapakita ang muling pagkikita ni Birheng Maria at Hesu-Kristo pagkatapos Niyang mabuhay na mag-uli. Tinatawag din ang Linggo ng Pagkabuhay na “Pasko ng Pagkabuhay” bilang pagdiriwang sa muling pagdating ni Kristo.
Ikaw, Ka-Balita, anong tradisyon ang isinasabuhay mo hanggang ngayon tuwing Holy Week o Semana Santa?