Kasalukuyang pinagpapahinga sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos matapos silang makaranas ng “flu-like symptoms,” ayon sa Presidential Communications Office (PCO).

Sa isang pahayag ng PCO nitong Miyerkules ng gabi, Marso 20, sinabi nitong nagkaroon ng naturang mga sintomas ang First Couple matapos ang kanilang “full schedule” noong mga nakaraang araw.

“They have been taking fluids and medication to alleviate their symptoms. Currently, their vitals remain stable,” anang PCO.

“To ensure their speedy recovery, they have been advised by their attending physician to get some rest,” dagdag pa nito.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Dahil dito, sinabi ni Communications Secretary Cheloy Garafil sa isang text message na inulat ng Manila Bulletin na kinansela na muna ang lahat ng appointment ni PBBM para sa mga susunod na araw.

Matatandaang nakauwi sa Pilipinas sina PBBM at FL Liza noong Sabado, Marso 16, matapos ang kanilang anim na araw na working at state visits sa Germany at Czech Republic.

Nito namang Lunes, Marso 18, dumalo ang pangulo sa ceremonial signing ng concession agreement para sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Public-Private Partnership (PPP), habang noong Martes, Marso 19, ay lumahok siya sa World Economic Forum (WEF) Country Roundtable sa Malacañang.