Pinarangalan ang Manila Prosecutors' Office (MPO) bilang Most Outstanding City Prosecutor's Office sa Metro Manila.

Kaagad namang binati, pinuri at ipinagmalaki ni Manila Mayor Honey Lacuna ang MPO dahil sa natanggap na karangalan.

Metro

QC gov’t, sinuspinde F2F classes hanggang SHS, gov’t work sa Jan. 13 dahil sa rally ng INC

Ayon kay Lacuna, nangangahulugan lamang ito na naipatutupad ng maayos ng MPO ang kanilang tungkulin.

"Isa lang ang ibig sabihin niyan. Naipapatupad ng Manila Prosecutor's Office ang tungkuling iginawad at inaasahan sa kanila hindi lamang ng mga Manilenyo kundi ng mga taong nagkakaroon ng kaso sa lungsod," pagmamalaki pa ng alkalde.

Kabilang aniya sa mga dahilan kung bakit ang MPO ang nakatanggap ng pagkilala ay ang mabilis nitong aksiyon upang maresolba ang mga kasong isinasampa sa kanilang tanggapan.

Maging siya aniya mismo ay saksi sa dami ng pagkakataon na ang mga empleyado at pamunuan ng MPO ay tumanggap ng parangal at komendasyon dahil sa mabilis na resolusyon ng mga kaso na nasa kanilang hurisdiksyon.

"Sabi nga, kapag nabibigyan ng aksyon ay nabibigyan na din natin ng hustisya ang mga nasasakdal at nagsasakdal," ani Lacuna.

Dagdag pa niya, patuloy ring nakakahanap ang MPO ng mga pamamaraan upang makapaghatid ng mas mahusay na serbisyo.

Nanawagan din siya sa mga residente at sa publiko na makilahok sa survey ng MPO upang matukoy ang mga lugar ng serbisyo nangangailangan ng improvement.

Sa kanyang panig, pinasalamatan naman ni MPO deputy city prosecutor Venus Marzan sina  Lacuna, Vice Mayor Yul Servo, Secretary to the Mayor Marlon Lacson at City Administrator Bernie Ang dahil sa kanilang patuloy na tulong sa MPO sa lahat ng pangangailangan nito.

Tiniyak niya na patuloy ang monitoring ng MPO sa lahat ng kaso na nakabinbin sa kanilang tanggapan.

"Ang mga kaso na nakalatag sa Manila City Prosecutor's Office ay di nagtatagal. Ang kaso sa inquest within the day or the following day ay natatapos na ang information at pwede na magpiyansa ang nasasakdal," ani Marzan.