Nagsisilbing “pride” para sa kanilang tribo si Lady Anne Duya mula sa Pampanga matapos siyang maging pinakaunang babaeng Aeta na nakapasa sa criminology licensure examination.
Si Duya, isa raw katutubong miyembro ng tribong Mag-indi o Mag-antsi, ay pumasa sa February 2024 Criminologist Licensure Examination.
“SALAMAT GUINO, KEKA NGAN ING KAPURIHAN . From Degree Holder to Registered Criminologist ,” aniya sa kaniyang Facebook post.
Nagtapos siya ng kursong Bachelor of Science in Criminology sa Central Luzon College of Science and Technology noong Hulyo 2023.
Sa kaniyang pagtatapos sa kolehiyo, humakot din siya ng mga parangal tulad ng “Best in Thesis,” “Service Awardee,” at “Outstanding Criminology Intern.”
Lubos namang nagpapasalamat si Duya sa lahat ng mga tumulong sa kaniya para makamit ang kaniyang tagumpay.
“Maraming salamat po sa walang sawang pagtulong, sa mga indibidwal na hindi nag-atubiling mag-abot ng tulong,” saad ni Duya sa kaniyang nakaraang Facebook post.
“Maliit man o malaki, ito ay may malaking naiambag sa akin sa panahon ng aking pag-aaral. Dalangin ko ang mahabang buhay at pagpapala sa inyong lahat,” dagdag pa niya.
Noong nakaraang taon nang makapasa sa criminology board exam si Dexter Santos Valenton. Siya raw ang unang Aeta na nakapasa sa kanilang tribo.