Panukalang i-revoke SMNI franchise, aprubado na sa Kamara
Inaprubahan na ng Kamara sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang batas na i-revoke ang prangkisa ng Sonshine Media Network International (SMNI) dahil sa mga paglabag nito sa ilang alituntunin.
Sa huling araw ng sesyon nitong Miyerkules, nasa 284 ang bumotong pabor, apat ang tumutol at apat din ang nag-abstain sa House Bill 9710.
Ang naturang hakbang ng Kamara ay isinagawa isang linggo matapos ilabas ang report ng House Committee on Legislative Franchises at i-refer sa plenaryo at inaprubahan sa ikalawang pagbasa.
Bago maipasa sa ikalawang pagbasa, isinapubliko muna ni Committee chairperson, Parañaque 2nd District Rep. Gus Tambunting, ang ilang paglabag ng SMNI sa kanilang prangkisa dahil sa pagpapalaganap ng maling impormasyon at pagre-red tag sa mga dati at kasalukuyang opisyal ng pamahalaan sa kabila ng kawalan ng ebidensya.