Aabot sa mahigit dalawang milyong pasahero ang inaasahang dadagsa sa mga pantalan sa buong bansa upang magsiuwian sa kani-kanilang mga lalawigan ngayong Mahal na Araw.

Sa isang kalatas nitong Miyerkules, sinabi ng Philippine Ports Authority (PPA) na ang naturang bilang ay mas mataas kumpara sa mahigit 1.8 milyon lamang noong nakaraang taon.

National

Tinapyasang budget ng opisina ni VP Sara, ‘di na dapat baguhin – Sen. Risa

Dahil dito, pinaalalahanan ng PPA ang publiko na iwasan ang last-minute bookings.

Ayon sa PPA, inaasahan na rin nilang pinakamaraming pasaherong dadagsa sa mga pantalan mula Miyerkules Santo, Marso 27, hanggang sa Linggo ng Pagkabuhay, Marso 31.

Kabilang naman anila sa limang pantalan na magiging pinakaabala sa mga nasabing araw ay ang Panay/Guimaras/Iloilo, Batangas, Panay/Guimaras/Jordan, Mindoro/Calapan, at Panay/Guimaras/Dumangas.

Payo pa ng PPA sa publiko, “plan their trips early and avoid last-minute bookings, which contribute to travel inconveniences and delays, especially during peak seasons.”

Nagpatupad na rin naman umano ang PPA ng “full manpower” scheme at “no leave policy” sa kanilang mga tauhan.

Anang PPA, “As per GM [General Manager] Jay Santiago’s directive, all relevant department heads were instructed to implement full manning of personnel in port operations and port security frontline services to serve the thousands of passengers.”

“All filed leaves of agency personnel from March 25 to April 1 were also disallowed to ensure the safety, security, and convenience of the public’s travel,” anito pa.

Ilang pantalan naman sa bansa ang pinalawak ang mga imprastraktura upang makapag-accommodate ng mas maraming pasahero ngayong Semana Santa, kabilang na ang mga passenger terminal building ng Batangas Port at Dumaguete Port.