Hindi nagustuhan si Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang pag-walkout ni Senador Raffy Tulfo sa hearing ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs nitong Martes.

Nag-walkout si Tulfo sa naturang hearing dahil sa hindi raw nagtutugma ang mga testimonya ng mga resource person mula sa Philippine National Police (PNP) kaugnay sa pag-aresto kay Rodelio Vicente at kaniyang anak na lalaki noong nakaraang taon sa Bulacan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Bukod dito, kinuwestiyon din ng senador kung bakit nakasuot ng bonnet ang mga pulis sa operasyon imbes na naka-uniporme.

“Mr. Chair, aalis na lang ako rito. Hindi ko matiis, nakikita ko na parang itong mga pulis, pinagloloko… I’m sorry I have to walk out, hindi ko kaya ito,” saad ni Tulfo.

Gayunman, ipinagpatuloy pa rin ni Dela Rosa ang hearing. Aniya, naiintindihan daw niya ang mga pulis na hindi raw puwedeng nakauniporme ang mga ito kung magse-serve ng warrant of arrest dahil baka makabulabog daw sa lugar.

“Naiintindihan ko kayo. Naiintindihan ko ‘yung procedure na ‘yan ginagawa ko ‘yan no’ng panahon ko. Gano’n talaga magse-serve ka ng warrant, alangang mag-surveillance nang nakauniporme, bulabog na kayo. Layas na ‘yong subject n’yo kung nakauniporme kayo,” paliwanag ng dating PNP chief.

“The worst thing na sabihin sa akin, bine-baby ko kayo, ay hindi ko matanggap-tanggap iyan. What’s the use of being the chairman of this committee kung i-baby ko kayo,” giit pa ni Dela Rosa.

Binigyang-diin din niya na siya raw ang may pinakamaraming naipakulong na pulis sa Senado.

“Kapag nakita ko ang pulis na totoo ang sinasabi, by all means, dedepensahan ko rin. ‘Di ba? bakit wawalang hiyain ang pulis kung hindi dapat walang hiyain? Fair lang ako rito,” anang senador.

“Wala akong pinapaburan dito. The most insulting action is for that kasama mo dito magwo-walk out, wo-walk-out-an ka,” dagdag pa niya.

“Anyway that’s his prerogative. Kung ayaw na niyang makinig sa hearing, nandyan na ‘yan. Ako lang naman is I’m trying to be fair here. Wala akong bias dito.”