Nilagdaan na ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri ang “arrest order” laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy.
Dahil dito, inatasan ang Senate Sergeant at Arms na isagawa ang pag-aresto laban sa pastor.
Matatandaang nitong Lunes, Marso 18, nang hilingin ni Senador Risa Hontiveros kay Zubiri na mag-isyu ng arrest order laban kay Quiboloy dahil sa patuloy nitong hindi pagharap sa Senado upang sagutin ang mga alegasyon ng pang-aabusong ibinabato laban sa kaniya.
“I request for the Senate President to issue an arrest order against Apollo C. Quiboloy. He must show up. He must respect the institution of the Senate,” giit ni Hontiveros sa isang press conference nitong Lunes.
“Sa mga kasamahan ko sa Senado, huwag nating hayaang maliitin niya ang ating iniingatang institusyon. Kung hindi pa tayo manindigan sa kaniyang tahasang pambabastos sa Senado, ewan ko na kung saan tayo pupulutin nito,” dagdag pa niya.
Iniimbestigahan ng Senate Committee on Women, Children Family Relations and Gender Equality, kung saan si Hontiveros ang chairperson, ang mga alegasyon ng pang-aabusong kinasasangkutan ni Quiboloy at ng KOJC.
Kasalukuyang nahaharap si Quiboloy sa mga alegasyon tulad ng “child abuse” at “qualified trafficking,” kung saan sinabi kamakailan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na sasampahan siya ng mga prosecutor sa Pasig City at Davao City kaugnay ng naturang mga kaso.
Bukod dito, naiulat kamakailan na ipinag-utos ng Central District of California na “i-unseal” na ang warrant of arrest laban kay Quiboloy kaugnay ng mga kaso nito doon na “conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud, coercion, sex trafficking of children, conspiracy, at cash smuggling.”