Nagpahayag ng pasasalamat si Senador Risa Hontiveros kay Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri dahil sa naging paglagda nito sa “arrest order” laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy.

MAKI-BALITA: Zubiri, nilagdaan na arrest order vs Quiboloy

Sa isang press briefing nitong Martes, Marso 19, sinabi ni Hontiveros na napapanahon ang paglabas ng arrest order laban kay Quiboloy para umano sa bawat babae ngayong Buwan ng Kababaihan.

Dagdag ng senador, hindi dapat pinalalampas ang ginawa ni Quiboloy na "pambabastos" at hindi pagharap sa mga pagdinig ng Senado.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

“Walang karapatan si Quiboloy na yurakan ang dignidad ng Senado. Ang pambabastos niya sa institusyong ito ay hindi dapat palampasin,” ani Hontiveros.

Samantala, nagpasalamat din ang senadora sa mga tumestigo at naglakas-loob na inihayag ang kanilang umano’y naranasang mga pang-aabuso laban sa pastor.

“Higit na pasasalamat sa mga testigo na naglakas-loob na makilahok sa dambuhalang labang ito. Kayo ang puso ng imbestigasyong ito, at kasama n’yo kami sa Senado hanggang dulo pa,” saad ni Hontiveros.

Iniimbestigahan ng Senate Committee on Women, Children Family Relations and Gender Equality, kung saan si Hontiveros ang chairperson, ang mga alegasyon ng pang-aabusong kinasasangkutan ni Quiboloy at ng KOJC.

Kasalukuyang nahaharap si Quiboloy sa mga alegasyon tulad ng “child abuse” at “qualified trafficking,” kung saan sinabi kamakailan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na sasampahan siya ng mga prosecutor sa Pasig City at Davao City kaugnay ng naturang mga kaso.

MAKI-BALITA: Quiboloy, kakasuhan ng ‘child abuse,’ ‘qualified trafficking’ – Remulla

Bukod dito, naiulat kamakailan na ipinag-utos ng Central District of California na “i-unseal” na ang warrant of arrest laban kay Quiboloy kaugnay ng mga kaso nito doon na “conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud, coercion, sex trafficking of children, conspiracy, at cash smuggling.”