Nagpaabiso na ang Philippine National Railways (PNR) hinggil sa Holy Week schedule ng kanilang bus augmentation trips para sa Tutuban-Alabang route.

Sa anunsiyo ng PNR, na ipinaskil sa kanilang Facebook page nitong Martes, nabatid na magsisimula nang bumiyahe ang kanilang mga augmentation buses sa Marso 28, 30, at 31 mula Alabang papuntang Tutuban at pabalik.

Ayon sa PNR, aalis ang unang biyahe ng bus sa Alabang sa ganap na 5:30AM habang ang unang biyahe naman ng bus mula sa Tutuban ay aalis sa ganap na 7:00AM. Ang last trip naman sa Tutuban ay ganap na 9:00PM habang 7:00PM sa Alabang.

Anang PNR, magpapatupad sila ng isang oras na pagitan o one-hour interval sa bawat biyahe.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Samantala, suspendido naman ang biyahe ng mga bus sa Marso 29, Biyernes Santo.

Simula naman sa Abril 1, nasa 30-minuto na lamang ang magiging pagitan ng bawat biyahe ng bus sa mga ruta.

Nabatid na ang unang biyahe sa Tutuban at Alabang ay ganap na 5:00AM habang 5:30AM naman sa Bicutan.

Ang last trip naman sa Tutuban ay 9:30PM habang 8:00PM naman ang huling biyahe sa Bicutan at Alabang.

Anang PNR, ang mga naturang bus ay daraan sa Abad Santos Avenue, Recto Avenue, Legarda Street, Nagtahan Flyover, Quirino Avenue, Dela Rosa o Buendia Station, Magallanes Interchange, SLEx, Bicutan, at Sucat.

Matatandaang kamakailan lamang ay inianunsiyo na ng PNR na simula sa Marso 28 ay sususpindihin nila ang kanilang operasyon sa Metro Manila sa loob ng limang taon upang bigyang-daan ang konstruksiyon ng North-South Commuter Railway (NSCR) project.

Para naman mabawasan ang epekto ng tigil-operasyon ng kanilang mga tren, magde-deploy ang PNR ng mga bus na magsasakay ng mga pasahero malapit sa mga istasyon ng kanilang tren.