Isiniwalat ni Senador Raffy Tulfo na bukod sa Chocolate Hills sa Bohol, tinayuan na rin daw ng mga negosyo ang pinakamataas ng bundok sa Pilipinas na Mt. Apo sa Davao.
Sa isang press conference nitong Lunes, Marso 18, sinabi ni Tulfo na napag-alaman nila at inamin din daw mismo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na mayroong mga nakatayong estruktura ng negosyo sa Mt. Apo.
“Mayroon kaming natumbok, hindi lang sa Bohol, maging sa Mt. Apo sa Davao, ganun na ganun din ang nangyari. Between the buffer zone, naglipana na parang kabute ang iba't ibang estruktura ng mga negosyo na bawal dapat, because that’s a protected area,” ani Tulfo.
“In fact, inamin ng DENR nung tinawagan namin ‘yung DENR, inamin nila at binigyan daw nila ng two years na palugit ‘yung iba doon para alisin na,” dagdag niya.
Pagkuwesiyon pa ng senador sa DENR, bakit daw pinayagan ng mga ito ang pagpapatayo ng mga imprastraktura ng negosyo at “pambabastos sa kalikasan.”
“In the first place, bakit pinayagan? Dapat hindi naman pinatayo. Ngayon nandyan na sila, nakapagnegosyo na, nabastos na ang kalikasan, bibigyan pa ng 2 years. Dapat agad-agad ang closure,” giit ni Tulfo.
“Kaya sa susunod na hearing, magigisa ang DENR,” saad pa niya.
Matatandaang kinalampag sa social media ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) nitong Miyerkules, Marso 13, dahil sa resort na nakakasira raw sa magandang view ng isa sa mga tourist spot sa Pilipinas.
MAKI-BALITA: Resort sa Chocolate Hills, sinita ng netizens; DENR, kinalampag
Kaugnay nito, naglabas ng closure order ang DENR nito ring Miyerkules, at sinabing naglabas sila ng Temporary Closure Oder noong nakaraang taon.
“In the case of the Captain’s Peak Resort, the DENR issued a Temporary Closure Order last September 6, 2023, and a Notice of Violation to the project proponent last January 22, 2024 for operating without an ECC,” giit ng DENR.
MAKI-BALITA: DENR, natakot? Closure order vs viral resort sa Chocolate Hills, temporary lang
Bukod sa ahensya, iginiit ng Department of Tourism (DOT) sa isang hiwalay na pahayag na hindi accredited bilang tourism establishment ang Captain’s Peak at wala ring nakabinbing aplikasyon para sa accreditation nito.
MAKI-BALITA: Resort sa Chocolate Hills, ‘di accredited — DOT
Naglabas na rin ng pahayag ang pamunuan ng Captain Peak’s Resort, at ipaliwanag na dumaan umano sa tamang proseso ang pagkuha nila ng permit at clearance para makapagpatayo ng resort sa Chocolate Hills.
MAKI-BALITA: Pamunuan ng resort sa Chocolate Hills, nagsalita na
Iginiit din ng manager ng The Captain’s Peak Garden and Resort na bukod sa kanila ay may dalawa pang resorts na naitayo at nag-ooperate sa vicinity ng Chocolate Hills.
MAKI-BALITA: Buking ng manager ng Captain’s Peak: May dalawa pang resorts sa Chocolate Hills!
Inihayag naman ng Senado at Kamara ang pag-imbestiga sa naturang pagtatayo ng resort sa Chocolate Hills na isang protected area at deklaradong UNESCO World Heritage Site.
MAKI-BALITA: Cynthia Villar, nangakong paiimbestigahan viral resort sa Chocolate Hills
MAKI-BALITA: House probe, inihirit vs Chocolate Hills resort