“Magigisa” ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa susunod na pagdinig ng Senado dahil sa nangyaring pagpapatayo ng mga negosyo sa Chocolate Hills sa Bohol at Mt. Apo sa Davao, ayon kay Senador Raffy Tulfo.
Matatandaang unang naging usap-usapan sa social media ang naging pagpapatayo ng resort sa Chocolate Hills na isang protected area at deklaradong UNESCO World Heritage Site.
MAKI-BALITA: Resort sa Chocolate Hills, sinita ng netizens; DENR, kinalampag
Samantala, sa isang press conference nitong Lunes, Marso 18, isiniwalat ni Tulfo na hindi lang ang Chocolate Hills, kundi pati ang Mt. Apo ay tinayuan na rin umano ng mga imprastraktura ng negosyo.
“Mayroon kaming natumbok, hindi lang sa Bohol, maging sa Mt. Apo sa Davao, ganun na ganun din ang nangyari. Between the buffer zone, naglipana na parang kabute ang iba't ibang estruktura ng mga negosyo na bawal dapat, because that’s a protected area,” ani Tulfo.
MAKI-BALITA: ‘Hindi lang sa Chocolate Hills?’ Mt. Apo, tinayuan din ng mga negosyo – Tulfo
Dahil dito, sinabi ni Tulfo na magigisa raw ang DENR sa susunod na Senate hearing dahil, aniya, bakit nito pinayagan ang naturang pagpapatayo ng mga negosyo “pambabastos sa kalikasan.”