Kumitil ng 162 katao ang malagim na sunog na nangyari sa Ozone Disco noong Marso 18, 1996. Karamihan sa kanila, estudyante at kabataan. Sinusulit ang huling bahagi ng kanilang buhay-estudyante sa paaralan. Dahil dito, naitala ang trahedya bilang “Worst Fire in Philippine History.”

Ironic kung iisipin dahil nangyari ang sunog na ito kung kailan “Fire Prevention Month.” Sa bisa ng Presidential Proclamation No. 115-A na pinirmahan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. naisakatuparan ang naturang batas noong 1986—sampung taon bago pa man lamunin ng apoy ang Ozone.

Base sa panayam ng mga nakaligtas sa trahedya, nagsimula raw ang sunog sa disk jockey station. Noong una, akala raw ng mga sumasayaw sa disco ay effects o props lang ang nakikita nilang nagkikislapang liwanag. Pero nagsimula na silang magpulasan nang unti-unti nang kumalat na ang apoy. 

Nahirapan umanong makalabas ang mga tao sa loob ng disco dahil hindi raw agad binuksan ng gwardiya ang pinto. Sinabihan silang huwag mag-panic. Bukod pa rito, wala raw fire exit ang naturang establisyemento. Maliban sa secret door na ang mga empleyado lang umano ang nakakaalam.

Lifehacks

National Mental Health Week, ginugunita tuwing Oktubre; malusog na kaisipan, paano aalagaan?

Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, posibleng nag-overload daw ang mga linya ng kuryente. Lumampas din daw sa itinakdang bilang ng tao ang dapat na nasa loob ng disco. Mahigit 300 katao umano ang naroon sa Ozone samantalang ayon sa structural master plan ng disco, 50 hanggang 100 lang daw ang capacity nito.

Dahil sa nangyari, lumutang ang mga kuwentong nagmumulto raw ang mga kaluluwang nabigong iligtas ang kanilang mga sarili sa nasabing lugar. Maririnig umano doon ang kanilang mga iyak at palahaw. Humihingi ng tulong para makalabas. 

Ayon kasi sa mga ulat, may 18 pa ring katawan mula sa mga nasawi ang hindi pa rin natatagpuan hanggang ngayon dahil sa tindi ng pagkakasunog. 

Matatagpuan sa Quezon City ang Ozone Disco. Sa kasalukuyan, mayroon ng restong nakatayo sa naturang lugar. 

Pero paminsan-minsan, dumadalaw pa rin dito ang mga pamilya at kamag-anak ng mga nasawi sa trahedya.