Kinumpirma ng Department of Education (DepEd) nitong Lunes, Marso 18, na isang public school teacher ang gurong nag-viral dahil sa pagpapagalit at pagbibitaw nito ng “masasakit na mga salita” sa kaniyang mga estudyante.
Sa ulat ng Manila Bulletin, inihayag ni DepEd Deputy Spokesperson at Asst. Secretary Francis Bringas na nagtuturo sa pampublikong paaralan ang guro, at iniimbestigahan na raw nila ang viral video nito.
Base sa viral TikTok video ng gurong may username na “Serendipitylover” na kumalat na rin sa Facebook at X (dating Twitter), pinapagalitan nito ang kaniyang mga estudyante dahil umano sa hindi magandang ugali ng mga ito.
Maririnig sa video ang pagbibitaw ng guro ng mga salitang tulad ng “ang kakapal ng mukha ninyo” at “wala kayong mararating sa buhay,” bagay na binatikos naman ng ilang netizens sa social media.
“Nakakalimutan n’yo ‘yung ano n’yo ha, ‘yung boundaries n’yo. Nakakalimutan n’yo ‘yung boundaries nyo. Una sa lahat hindi n’yo kami binabayaran dito para magtau-tauhan at gawing robot at gawin n’yong katatawanan sa harapan. Pangalawa, hindi ako nag-board exam para lang hindi irespeto ng mga katulad n’yong wala pa namang nararating sa buhay,” anang guro sa video.
“Ang kakapal ng mga mukha n’yo! Hindi n’yo nga kayang buhayin ang mga sarili n’yo. Hindi kayo marunong rumespeto,” dagdag niya.
Hindi naman malinaw sa naturang video kung ano ang partikular na ginawa ng mga estudyante na ikinagalit ng guro.
https://balita.net.ph/2024/03/16/wala-kayong-mararating-guro-viral-nang-i-live-stream-pagpapagalit-sa-mga-estudyante/