Hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga empleyado ng Office of the President (OP) na pagbutihin ang kanilang mga trabaho at laging alalahanin ang kanilang pagmamahal sa Pilipinas.

Sinabi ito ni Marcos sa kaniyang talumpati sa flag-raising ceremony at pagdiriwang ng anibersaryo ng OP nitong Lunes, Marso 18, na inulat ng Presidential Communications Office (PCO).

“We are reminded of the fact that the Office of the President is a 127-year old institution. And [it] is important to remember this because we have to, once in a while take a step back, take a breath and remember how important the work that we do,” pahayag ni Marcos.

“And what a great responsibility has been given us by our people. And it is a responsibility that we must fulfill, it must be a responsibility that we must do so as to make our people proud of us,” dagdag niya.

Ayon pa sa pangulo, kailangang pagbutihin ng OP ang trabaho dahil bawat proyekto nila ay may epekto sa buhay ng mga Pilipino.

“Sometimes because of the volume of the work, sa dami ng trabaho ay hindi natin naiisip na— basta trabaho lang. Ngunit ang katotohanan diyan, bawat isang proyekto, bawat isang desisyon, bawat isang implementasyon ng polisiya ay nararamdaman ng buong Pilipinas,” ani Marcos.

“Kaya’t kailangang kailangan na ipagbuti natin ang ating mga trabaho. Kailangan natin ipagbuti at lagi natin maalala ang ating pagmamahal sa bansang Pilipinas at sa ating mga kapwang Pilipino,” saad pa niya.

Base sa tala ng PCO, naitatag ang OP noong Marso 22, 1897 sa pamamagitan ng Administrative Order No. 322, s. 1997.

Binuo raw ito batay sa position papers na isinumite ng mga opisyal ng Department of History of the University of the Philippines at ng Board of National Historical Institute (NHI) pagkatapos ng puspusang mga deliberasyon at konsultasyon noong 1997.

Nagpasya ang lupon na mabuo ang OP sa panahon ng Tejeros Convention noong Marso 22, 1897, nang mahalal si Gen. Emilio Aguinaldo bilang pangulo ng Philippine Revolutionary Government.